Home NATIONWIDE Tagumpay ng programa ng DSWD, pumalo sa 99.5%

Tagumpay ng programa ng DSWD, pumalo sa 99.5%

257
0

MANILA, Philippines – Naging matagumpay ang KALAHI-CIDSS program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong bansa matapos maabot ang 99.5 percent success rate sa pagpapanatili ng mga subproject nito.

Sinabi ni DSWD Sec.Rex Gatchalian sa Kapihan sa Manila Bay forum na ang mga pangunahing nag-ambag sa rating ang  mahigit pitong libong road projects, halos limang libong day care centers, higit dalawang libong flood control projects, libu-libong footpath at access pathways, at mahigit dalawang daang school buildings.

Nagsimula ang mataas na sustainability rating noong 2022 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  at sa pamumuno ng kalihim.

Upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo sa mga komunidad, ang mga proyekto ay patuloy na minomonitor ng programa.

Ayon sa KALAHI-CIDSS, epektibo ang community-driven approach sa pagtukoy ng pangangailangan ng barangay, kung saan mismong residente ang nagmumungkahi at nagpapatupad ng mga proyekto.

May nakatakdang “negative list” ang programa upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo, kabilang ang pagbabawal sa pagbili ng lupa, operasyon at maintenance expenses, at ilegal na aktibidad.

Batay sa datos ng programa, sampung munisipalidad ang nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba sa poverty incidence mula 2009 hanggang 2021, na karamihan ay benepisyaryo at ilan ay nakapagtapos na sa programa dahil bumaba na sa ibaba ng 18.1 porsiyento ang kanilang poverty rate.

Inilunsad din ng DSWD ang Panahon ng Pagkilos: Philippine Community Resilience Project upang itaguyod ang climate-resilient development sa 500 munisipalidad, lalo na sa mga lugar na mataas ang antas ng kahirapan at panganib sa kalikasan.

Hinihikayat ng ahensya ang Kongreso at Senado na suportahan ang Community-Driven Development bill para ma-institutionalize ang proseso sa mga programa ng pamahalaan.

Sa loob ng dalawang dekada, nakapagsagawa na ang KALAHI-CIDSS ng higit 92,000 subprojects na nakatulong sa mahigit 24 milyong Pilipino. (Jocelyn Tabangcura- Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here