MULING pinasaringan ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga bagong paratang ni dating Congressman Zaldy Co na puro ingay lamang at walang ebidensiyang ipinapakita makaraang idawit nito sa kanyang panibagong video si First Lady Liza Araneta Marcos at ang kapatid nito sa umano’y “rice at onion cartel”.
Sa pagkakataong ito, pinalawak pa umano ni Co ang akusasyon at isinama na rin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Ngunit tulad ng dati, sinabi ni Goitia na walang anumang ebidensyang iniharap si Co, at agad na itinuro ng mga opisyal ang mga butas sa kanyang kwento.
Ayon kay Goitia, tinawag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na “total baloney” at “script pang-Netflix” ang mga paratang ni Co. Nilinaw niyang ang tanging bahagi ng pahayag ni Co na may katotohanan ay ang pagtalakay sa pagbaba ng rice import tariff — isang mungkahing matagal nang pinag-uusapan ng iba’t ibang opisyal, at hindi ideya ni Co lamang. Sa katunayan, zero tariff ang rekomendasyon ni Co, hindi 15 percent.
Mariin ding itinanggi ni Tiu Laurel ang mga paratang tungkol sa umano’y manipulasyon at pagkakasangkot ng pamilya ng First Lady, at sinabing “definitely baloney” ang lahat ng akusasyon sa bigas, sibuyas, isda, at asukal.
Sa kanyang video, iginiit din ni Co na umano’y “nag-utos” si Sandro Marcos ng humigit-kumulang ₱51 bilyon na budget insertions mula 2023 hanggang 2025 — isang paratang na mariing pinabulaanan ni Sandro, na tinawag itong “kasinungalingan” at bahagi ng destabilization efforts.
Naglapat din si Co ng panibagong kwento tungkol sa umano’y buwanang remittance na hinihingi raw ni dating Speaker Martin Romualdez, ngunit muli, wala siyang ipinakitang dokumento, mensahe, petsa, o anumang patunay.
“Ang paratang na walang ebidensya ay hindi whistleblowing. Ito ay panlilinlang, at nagiging delikado kapag binibigyan ang publiko ng maling impormasyon,” ani Goitia.
Ayon pa kay Goitia, inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinangka siyang i-blackmail ni Co, at mariing sinabi na, “I do not negotiate with criminals.”
Sa Kongreso, mariin ding tinuligsa ang mga pahayag ni Co. Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Majority Leader Sandro Marcos na si Co ay walang kredibilidad at nagtatangkang guluhin ang pamahalaan at binigyang-diin na ang pagpapakalat ng kasinungalingan mula sa ibang bansa ay hindi magpapalitaw ng katotohanan.
Tinawag pa niya si Co na “isang kriminal na umiiwas sa pananagutan — hindi isang crusader.”
“Kung tunay ang hawak mong katotohanan, humaharap ka sa batas. Huwag kang maglabas ng video mula sa’yong pinagtataguan,” ani Goitia kay Co.
“Kapag pabago-bago ang kwento pero hindi lumalabas ang ebidensya, gumu-guho ang kredibilidad,” dagdag pa ni Goitia patungkol kay Co.
Hanggang ngayon, walang inilalabas si Co na dokumento, direktiba, mensahe, o saksi. Habang mas nagiging dramatiko ang kanyang mga video, hindi naman tumitibay ang kanyang mga pahayag.
“Ang katotohanan ay hindi umiiwas sa pagsusuri. Hangga’t walang inilalahad na ebidensya sa ilalim ng panunumpa, kwento lamang ang mga ito — hindi katotohanan,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at
Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, kung saan itinataguyod niya ang katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino. RNT