Home METRO 43 bagong pabahay ng NHA, sisimulan sa Isabela

43 bagong pabahay ng NHA, sisimulan sa Isabela

280
0

ISABELA, Philippines – Nagsagawa ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ng Region II/Cordillera Administrative Region (CAR) 2 Office nito, ng isang groundbreaking event para sa isang bagong proyektong pabahay sa Aurora, Isabela.

Matatagpuan sa Barangay Ballesteros, ang Ballesteros Resettlement Project ay bubuoin ng 43 single-attached house and lot, na inaasahang magiging permanenteng tahanan ng mga Isabelino na naninirahan sa mga danger zones at mababang lugar ng nasabing munisipalidad.

Sa direktiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Region 2/CAR 2 Officer-in-Charge Engr. Rofelie M. Balagat ang aktibidad, katuwang sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) RO2 Director Marvin M. Fereran, na kumakatawan kay Secretary Jose Ramon Aliling Jr., Aurora Municipality Mayor Joseph Christian G. Uy, Vice Mayor Romeo Torio, at ibang mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ni GM Tai, binigyang-diin ni Engr. Balagat ang kahalagahan ng seremonya bilang bahagi ng pangako ng NHA sa pagbibigay ng makataong pabahay at pagtatayo ng mga maunlad na komunidad.

“Ang okasyon pong ito ay nagpapatunay sa aming suporta at misyon upang maisakatuparan ang layunin ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program sa ilalim ng bisyon ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na mabigyan ang ating mga kababayan ng disente, abot-kaya at ligtas na pabahay sa loob ng mga sustenableng komunidad,” ani ni Engr. Balagat.

Ang bawat housing unit ay mayroong lot size na 98 sq m na may floor area na 26 sq m para sa mga regular units.  Samantala, ang mga itinalagang unit para sa mga Persons With Disabilities (PWD) ay magkakaroon ng mas pinalawak na sukat na aabot sa 30.4 sqm. Ito ay bilang isang hakbang para matulungan sila sa kanilang pangangailangan sa mas malawak na espasyo at bilang suporta na rin ng NHA sa accessibility at inclusivity nila.

Bilang pagpapatunay sa liveability ng proyekto, sinigurado din ng NHA ang basic amenities tulad ng linya ng tubig at kuryente at nagplano rin ng pagtatayo ng mga community facilities sa pangunguna ng Aurora-LGU.

Ang proyekto ay bunga ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng NHA at ng Aurora-LGU, noong Setyembre 29, 2025. Ipinapatupad ito sa ilalim ng Resettlement Assistance Program for Local Government Units (RAP-LGU) ng ahensya. DANNY QUERUBIN 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here