BULACAN, Philippines – Kulong ang tatlong lalaki na umanoy inuugnay sa kasong rape sa isang babae sa bayan ng Paombong noong madaling araw ng Nobyembre 26.
Sa report ni PMAJ Demosthenes Desiderio Jr, Acting chief of police ng Paombong police station, kinilala ang tatlong suspek na sina alyas “Mak”, 28, alyas “Kirby”, 20, kapwa residente ng Brgy. Pinalagdan at alyas “Tin”, 21, ng Brgy. Canalate, Malolos habang ang biktima ay isang 21 anyos.
Ayon sa report ng pulisya, naganap ang pang-aabuso bandang 1:00 ng madaling araw noong Nobyembre 26 at naireport sa istasyon bandang 3:00 ng umaga ng Nobyembre 27.
Dahil dito, nagsagawa ng follow up operation ang mga awtoridad kaya nahuli kalaunan ang tatlong suspek na inuugnay sa pang-aabuso.
Ipinaalam ng mga awtoridad ang karapatan ng mga suspek na dinala sa istasyon para sa tamang dokumentasyon at paghahanda ng kaukulang kaso.
Positibong kinilala at itinuro ng biktima sa mga awtoridad ang tatlong suspek habang nasa loob ng kulungan.
Samantala, hindi na rin idinetalye sa report ng pulisya kung paano ang ginawang pang-aabuso ng mga suspek sa kalunos-lunos na biktima.
“Ang agarang aksyon laban sa mga suspek ng ganitong uri ng kaso ay nagpapakita ng ating seryosong kampanya para sa mas ligtas na komunidad sa buong lalawigan,” ani PCOL Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan police. (Dick Mirasol III)