MANILA, Philippines – Sinabi ng PAGASA na apat na weather system ang magdadala ng pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Biyernes.
Ang trough ng Severe Tropical Storm Koto (dating Verbena) ay magpapadala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan.
Ang shear line naman ang magdudulot ng parehong kondisyon sa Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya. Uulanin din ang Aurora at Quezon dahil sa easterlies, habang ang northeast monsoon o “amihan” ay magdadala ng pag-ulan sa Ilocos Region, Batanes, at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region.
Nagbabala ang PAGASA na ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng flash floods o landslides.
Inaasahan naman ang isolated rain showers sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Katamtaman hanggang malalakas na hangin at banayad hanggang maalon na karagatan ang mararanasan sa Northern Luzon at kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon, habang mas mahihinang hangin at mas kalmadong dagat ang aasahan sa nalalabing lugar. RNT