Home NATIONWIDE Panukalang batas vs mapanlinlang AI-generated content, inihain ni Sen. Villar

Panukalang batas vs mapanlinlang AI-generated content, inihain ni Sen. Villar

3
0

MANILA, Philippines – Naghain si Sen. Mark Villar ng panukalang batas na naglalayong regulahin ang mapanlinlang na content na likha o binago gamit ang artificial intelligence (AI), kabilang ang deepfakes na ginagamit sa panloloko, identity theft, harassment at iba pang uri ng pang-aabuso.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2620 o “Kontra Malisyosong AI Act,” magtatakda ng mga patakaran sa paggawa, paglalagay ng disclosure at pagpapakalat ng AI-generated o manipulated media, partikular sa mga materyal na ginagaya ang mukha, boses o iba pang pagkakakilanlan ng isang tao nang walang pahintulot.

Ayon kay Villar, mas napadali ng paglaganap ng AI ang paggawa ng mga pekeng video, larawan at voice recording na maaaring gamitin upang magpanggap na kamag-anak, opisyal ng gobyerno o negosyante.

Maaari umanong gamitin ang mga ito sa financial scam, phishing, identity theft, paninirang-puri, harassment at pagpapakalat ng seksuwal na materyal nang walang pahintulot.

“Habang patuloy na umuunlad ang artificial intelligence, dapat din nating palakasin ang ating mga pananggalang laban sa mga gumagamit nito sa panloloko at pananamantala. Hindi dapat maging kasangkapan ang makabagong teknolohiya upang nakawin ang pagkakakilanlan ng isang tao, sirain ang kanyang reputasyon, o ilagay sa panganib ang kanyang kabuhayan,” ani Villar.

Inaatasan ng panukala ang paglalagay ng malinaw na disclosure sa mga AI-generated o manipulated content na ipamamahagi sa publiko. Kailangang may pasalita at nakasulat na abiso ang audiovisual materials, habang dapat namang may pasalitang disclosure ang audio-only content at nakikitang abiso sa mga larawan o visual-only materials.

Kailangan din ng paunang nakasulat o digital na pahintulot bago gumawa o magpakalat ng deepfake na naglalarawan sa isang totoong tao kung may posibilidad itong magdulot ng pinsala, panlilinlang, pananakot, pangha-harass o pagsasamantala.

Saklaw nito ang hindi awtorisadong paggamit sa komersyal, advertising, endorsement, seksuwal, pornograpiko at pampulitikang layunin, gayundin ang pagpapanggap para sa mga scam at iba pang ilegal na gawain.

“May karapatan ang bawat Pilipino na protektahan ang kanyang mukha, boses, at pagkakakilanlan. Dapat malinaw kung alin ang tunay at alin ang artipisyal, at hindi dapat gamitin ang pagkakakilanlan ng sinuman upang manloko o manamantala,” dagdag ng senador.

Inaatasan din ang mga digital platform na nagbibigay ng serbisyo sa Pilipinas na magkaroon ng madaling ma-access na reporting channels at alisin o harangin ang access sa iniulat na lumalabag na content sa loob ng 24 oras mula sa pagtanggap ng reklamo ng taong ginaya o ng kanyang magulang o guardian kung menor de edad ang biktima.

Maaari ring hilingin ng mga biktima ang pagtanggal sa mga duplicate, mirrored content at muling pag-upload ng materyal, gayundin ang paghingi ng danyos at pagkuha ng court order upang mapigilan ang karagdagang pagpapakalat nito.

Nagmumungkahi ang panukala ng multang P200,000 hanggang P300,000 sa mga lalabag sa disclosure requirements o sadyang mag-aalis o magbabago sa mga kinakailangang abiso.

Ang sinumang sadyang gagawa o magpapakalat ng deepfake nang walang kinakailangang pahintulot ay maaaring makulong ng dalawa hanggang apat na taon at pagmultahin ng P250,000 hanggang P500,000, o parehong parusa.

Kung menor de edad ang biktima, magiging walo hanggang 12 taon ang pagkakakulong at P500,000 hanggang P1 milyon ang multa.

Maaari ring pagmultahin ng P200,000 sa unang paglabag at P300,000 sa bawat susunod na paglabag ang mga digital platform na hindi susunod sa 24-oras na takdang panahon ng pagtanggal ng content.

Sinabi ni Villar, pangunahing may-akda rin ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), na layunin ng panukala na tugunan ang mga bagong uri ng cybercrime nang hindi hinahadlangan ang lehitimong pag-unlad at paggamit ng AI.

“Hindi natin layuning hadlangan ang pag-unlad ng artificial intelligence. Ang nais natin ay matiyak na responsable ang paggamit nito at hindi napipinsala ang ating mga kababayan. Dapat makinabang ang lahat sa makabagong teknolohiya nang hindi isinasakripisyo ang kanilang seguridad, dignidad, at mga karapatan,” aniya.

Hinimok din niya ang publiko na maging maingat sa panonood at pagbabahagi ng mga online content, lalo na ang mga materyales na posibleng binago gamit ang artificial intelligence. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here