Home METRO Aktibidad ng bulkang Taal, tumataas

Aktibidad ng bulkang Taal, tumataas

254
0

LUCENA CITY, Philippines – Patuloy ang pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Taal sa Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes, Nob. 28. Tumaas ang emissions ng sulfur dioxide (SO₂) at ang bilang ng lindol na may kinalaman sa bulkan.

Sa loob ng 24-oras na pagmamanman, naitala ng Phivolcs ang 208 metric tons ng SO₂ noong Huwebes. Bagamat tinatawag pa ring “mahina” ang emission, umabot ang gas plume sa humigit-kumulang 600 metro sa itaas ng Taal Volcano Island (TVI), o kilala rin bilang Pulo sa gitna ng Taal Lake, bago kumalat.

Malaki ang pagtaas nito kumpara sa dati-dating 72 metric tons bawat araw mula Nob. 18.

Sa pinakabagong bulletin, naitala rin ang 40 volcanic earthquakes at 15 episodes ng volcanic tremors.

Mula Nob. 1 hanggang 28, nakapagtala ang Taal ng 458 volcanic earthquakes at 72 tremor episodes. Mas mataas ito kaysa Oktubre na may 367 quakes at 69 tremors, at mas mataas rin kaysa Setyembre na may 189 quakes at 129 tremors.

Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang volcanic earthquakes ay dulot ng magma o prosesong may kinalaman sa magma sa ilalim o malapit sa bulkan. Samantalang ang tremors ay mababang-frequency na panginginig (0.5–5 Hz) sanhi ng pag-uga ng magma sa mga bitak at vent, grupo ng low-frequency na lindol, o maliliit na internal na pagsabog.

Nakagawa rin ang Taal ng maliit na phreatomagmatic eruptions sa pangunahing crater nito noong Nob. 12 at 23.

Kahit tumaas ang SO₂ emissions, patuloy na seismic activity, at mga kamakailang phreatomagmatic events, nananatiling Alert Level 1 ang bulkan, na nangangahulugang mababang antas ng pagkabahala.

Binigyang-diin ng Phivolcs na higpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island — lalo na sa pangunahing crater at Daang Kastila trail, na bahagi ng Permanent Danger Zone.

Nagbabala rin ang Civil Aviation Authority sa mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan dahil posibleng magkaroon ng biglaang ash emissions na delikado sa mga eroplano. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here