MANILA, Philippines – Nagpahayag ng “matinding pag-aalala” ang Commission on Human Rights (CHR) tungkol sa umano’y panghaharas sa mga tomboy at bakla sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa CHR, nangyari ang insidente noong Nobyembre 11 sa Barangay Layog, kung saan bumisita ang mga opisyal ng barangay sa mga bahay ng mga taong pinaghihinalaang lesbiyana o gay, diumano ay sa utos ng alkalde.
Ayon sa ulat, pinapunta sa barangay hall ang mga kinilalang lesbiyana at gay, at sapilitang pinaghiwalay ang mga same-sex adult couples na magkasamang nakatira. Sa isang recorded interview, sinabi ng opisyal ng barangay na bawal daw ang ganitong relasyon “sa batas ng tao at lalo na sa Islam.”
Tinawag umano itong bahagi ng “Operation Supak,” na nakatuon sa mga miyembro ng LGBTQIA community at sinasabing iniutos ng bayan mayor.
Samantala, mariing kinondena ng grupong Asean SOGIE Caucus (ASC)—na binubuo ng iba’t ibang LGBTQIA organizations at allies—ang operasyon. Ayon sa mga kuwento mula sa komunidad, sapilitang pinasok ng mga opisyal ng barangay, tanod, at ilang miyembro ng religious sector ang mga bahay ng mga pinaghihinalaang LGBTQIA+ o nakatira sa same-sex partner.
Sinabi ng ASC na dalawang babae at ilang LGBTQIA+ na indibidwal ang kinuha mula sa kanilang bahay nang walang warrant, dinala sa barangay hall, at isinailalim sa interogasyon, moral lecture, at public shaming.
Idinagdag ng ASC na sinabi ng mga opisyal na bawal ang same-sex cohabitation ayon sa relihiyon, at may utos daw mula sa mayor na paghiwalayin ang mga same-sex partners—isang bagay na walang legal na basehan sa batas ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng CHR na ang ganitong aksyon ay lumalabag sa dignidad at karapatan ng LGBTQIA persons. Ito ay uri ng diskriminasyon, at paglabag sa kanilang karapatan sa privacy at seguridad.
Nilinaw pa ng CHR na walang batas sa Pilipinas na nagbabawal sa babae na tumira sa kapwa babae, o lalaki sa kapwa lalaki.
Binanggit ng CHR ang Safe Spaces Act (RA 11313) na nagpaparusa sa homophobic at transphobic harassment, at ang Magna Carta of Women (RA 9710) na nagbabawal ng diskriminasyon laban sa kababaihan, kabilang ang may kaugnayan sa sexual orientation.
Ipinaalala rin ng CHR na sekular ang estado, kaya’t hindi maaaring gamiting dahilan ang relihiyon upang mangharas o targetin ang mga indibidwal gamit ang kapangyarihan at resources ng gobyerno. Anila, tungkulin ng mga opisyal na sumunod sa rule of law at human rights obligations.
Sinabi ng CHR na nagsimula na ang imbestigasyon sa pamamagitan ng kanilang regional office, katuwang ang Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC).
Hinimok din nila ang BHRC at ang Ministry of the Interior and Local Government ng BARMM na magsagawa ng masusing imbestigasyon, alamin ang legal na basehan ng operasyon, at tiyaking may pananagutan ang mga opisyal kung kinakailangan.
Nanawagan ang CHR at ASC sa Presidential Special Committee on LGBTQIA+ Affairs na tiyaking may proteksyon, suporta, at koordinasyon upang maiwasan pa ang paglabag sa karapatan ng LGBTQIA+ sa Maguindanao at buong BARMM.
Sa huli, umapela ang ASC sa publiko: “Manindigan laban sa diskriminasyon, stigma, at normalisasyon ng karahasan sa ngalan ng ‘moralidad.’ Dapat manaig ang equality, justice, at humanity—hindi takot o pang-aabuso ng kapangyarihan.” RNT/MND