MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Robinhood Padilla sa mga kapwa opisyal na tigilan ang pagpapakita na parang galing sa kanila personal ang mga DSWD relief goods. Ayon sa kanya, ang mga ipinapamahaging tulong ay pera ng taong-bayan—mula sa buwis at utang ng gobyerno—hindi mula sa bulsa ng mga politiko.
Sa isang Facebook post, paalala ni Padilla na hindi tamang angkinin ng mga opisyal ang kredito sa relief operations, lalo na’t hindi naman sila ang gumastos para dito.
Sabi niya: “Tigilan na ang pamimigay ng pulitiko ng DSWD relief goods. Hindi naman galing sa atin ’yan. Galing ’yan sa taongbayan na nagbabayad ng buwis at sa inuutang natin.”
Binanggit din niyang dapat ituon ang disaster response sa pangangailangan at dignidad ng mga biktima, hindi sa pagpapaganda ng imahe ng mga politiko.
Inamin ni Padilla na kahit ilang beses na nila itong napag-usapan sa Senado, kaunti pa rin ang pagbabago sa aktwal na pamamahagi sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Dagdag pa niya: “Swelduhan na nga nila tayo, inaagawan pa natin sila ng tulong na dapat ay para sa kanila.”
Binigyang-diin niya na ang pondo ng DSWD ay para sa tao, hindi para gawing pampulitika ng mga opisyal. RNT/MND