MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Bureau of Customs (BOC) nitong Biyernes ang paglulunsad ng “Isumbong kay Commissioner”, ang opisyal na online platform ng ahensya na layong pabilisin, gawing mas maayos, at transparent ang pagtanggap at pag-asikaso sa mga reklamo at alalahanin ng publiko tungkol sa serbisyo at operasyon ng customs.
Ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno, ang platform ay hango sa Office of the President’s “Isumbong sa Pangulo”, at patunay ng kanyang pangako sa pinalakas na accountability sa publiko at sa pagkakaroon ng direktang, bukas, at mabilis na komunikasyon sa mga stakeholders.
Bilang bahagi ng digital shift ng ahensya, papalitan ng “Isumbong kay Commissioner” ang kasalukuyang BOC complaints email ([email protected]).
Ani Nepomuceno, mas malaking upgrade ang bagong sistema kumpara sa email-based process dahil ito ay may centralized platform kung saan maaaring maghain ng reklamo ang publiko nang mas mabilis at masusubaybayan ang status at progreso ng kanilang reklamo sa real-time.
Ang bagong sistema ay nag-aalis ng manual sorting, nagpapababa ng pagkaantala, tinitiyak ang accountability sa bawat hakbang, at nagbibigay sa publiko ng malinaw at transparent na view kung paano inaasikaso ang kanilang mga concern.
Lahat ng reklamo na ihahain sa platform ay automatic na irerekomenda sa Office of the Commissioner, para agad masuri at mabigyan ng tamang aksyon sa pinakamataas na antas.
Binibigyang-diin ni Nepomuceno ang kahalagahan ng inisyatibong ito sa pagpapalakas ng transparency at tiwala ng publiko.
“‘Ang ‘Isumbong kay Commissioner’ ay patunay na bukas ang Bureau of Customs sa mas malinaw, mabilis, at tapat na komunikasyon sa publiko. Gusto naming marinig ang inyong mga hinaing, at sisiguraduhin naming bawat reklamo ay maaaksyunan nang tama. Serbisyo publiko ang pangunahing tungkulin namin,” ani Nepomuceno.
Kasalukuyang isinasagawa ang final testing ng sistema, at pagkatapos nito ay magkakaroon ng user training para matiyak na ang lahat ng authorized personnel ay handa at may kakayahang asikasuhin ang mga reklamo.
Bilang paghahanda sa full activation ng platform, pinapaalalahanan ng ahensya ang publiko na mag-submit lamang ng beripikado, kumpleto, at aksyonableng reklamo, upang masigurong mabilis ang proseso at maiwasan ang pagkaantala sa pagtugon sa lehitimong concern.
Ang sistema ay dinevelop ng Management Information Systems and Technology Group (MISTG) sa pamumuno ni Deputy Commissioner Revsee Escobedo, sa pamamagitan ng Systems Development Division na pinamumunuan ni Liberty Plana.
Tiniyak din ng team na ang platform ay secure, user-friendly, at naka-align sa digitalization thrust ng BOC. RNT/MND