ILOCOS SUR, Philippines – Tumanggap ng Medalya ng Kadakilaan ang Acting Provincial Director ng Ilocos Sur Policre Provincial Office sa ginanap na programa sa Police Regional Office 1 (PRO1) sa Camp BGen Oscar M Florendo, Parian, City of San Fernando, La Union nitong Huwebes, Nobyembre 27.
Mismong si PRO1 Regional Director, Police Brig. Gen. Dindo M. Reyes ang nag-abot o nagbigay ng award kay Police Col. Agosto M Asuncion.
Ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan si Asuncion bilang pagkilala sa kanyang mahusay na pamumuno sa matagumpay na operasyon sa pagwasak ng taniman ng marijuana sa Sugpon, Ilocos Sur, na nagresulta sa pagkasira ng tinatayang P44,150,000 na fully grown marijuana plants at marijuana seedlings.
Ang naturang taniman ng marijuana ay nadiskubre habang nagsasagawa ng marijuana eradication operation sa naturang lugar ang operating team na binubuo ng mga PNP personnel mula sa mga iba’t ibang police units sa Ilocos Sur nitong November 19-24, 2025. ROLANDO S. GAMOSO