MANILA, Philippines – Nakipagtulungan ang One Taguig Football Club sa artisanal cheesemaker na GIOIA Cheese Indonesia sa pamamagitan ng isang season-long strategic partnership na naglalayong isulong ang kahusayan at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Ayon kay One Taguig FC Chairman Esti Puji Lestari, naaayon ang naturang kasunduan sa kanilang pananaw para sa komersyal at operasyonal na paglago ng club.
“Ang pakikipagtulungang ito ay lubos na naaayon sa aming bisyon para sa komersyal at operasyonal na pag-unlad ng club. Ikinalulugod naming makatuwang ang GIOIA Cheese Indonesia, isang tatak na kapareho namin ng pagpapahalaga sa kalidad at paglilingkod sa komunidad,” ani Lestari.
“Magkasama naming inaasam na makapagtatag ng matatag na presensya sa loob at labas ng football field sa buong darating na season,” dagdag niya.
Sa ilalim ng partnership sa pagitan ng isang propesyonal na football club at isang artisanal food brand, magsasagawa ang dalawang panig ng magkasanib na promotional activities, pagpapaunlad ng negosyo, at pagpapahusay sa karanasan ng mga manonood at tagahanga tuwing araw ng laban.
Ayon naman kay Ilios Maggi Andreadakis, may-ari ng GIOIA Cheese Indonesia, buong pagmamalaki nilang sinusuportahan ang koponan dahil naniniwala sila sa kuwentong nais nitong mabuo sa mundo ng football at sports.
“Buong pagmamalaki naming sinusuportahan ang koponan dahil lubos kaming naniniwala sa kuwentong nais nilang ipamalas sa mundo ng football at sports. Kuwento ito tungkol sa buhay at kagalakan—na siyang ganap na sumasalamin sa tunay na diwa ng ‘Gioia,’” pahayag ni Andreadakis.
Kilala ang One Taguig FC sa pagiging isang club na nakatuon sa aspektong panlipunan, pampalakasan, komersyal, at propesyonal. Nakabase sa Taguig City, itinatag ang koponan upang makipagkumpitensya sa pinakamataas na antas ng football sa Pilipinas, kabilang ang nangungunang liga na Philippines Football League (PFL).
Bukod sa hangaring makamit ang tagumpay sa propesyonal na football, nakatuon din ang club sa pagpapaunlad ng komunidad, pagsusulong ng mga programang nakasentro sa sports, at pagtatatag ng matatag na pakikipagtulungan sa mga negosyo upang higit na mapalakas ang lokal na larangan ng palakasan.
Samantala, ang GIOIA Cheese Indonesia ay isang artisanal cheesemaker na nakatuon sa paggawa ng de-kalidad at premium na sariwang keso na mano-manong ginagawa sa Bali.
Hango sa tradisyonal na pamamaraan ng paggawa ng keso sa Italya, nililikha ng GIOIA ang natatanging mga produkto nito sa Indonesia gamit ang sariwang gatas na may mataas na kalidad na direktang kinukuha mula sa Java. James I. Catapusan