Ito ang naging pahayag ni NCRPO Chief P/Major General Anthony A. Aberin sa ikinasang Trillion Peso March kasabay ng paggunita ng Bonifacio Day ngayong Nobyembre 30.
Ang Trillion Peso March na inorganisa ng ibat-ibang grupo at raliyista ay isinagawa sa Luneta, Liwasang Bonifacio at C.M. Recto Avenue kaugnay pa rin sa laban kontra korapsyon ng ilang mga lider ng gobyerno.
Hindi naman nakalapit sa paanan ng Mendiola ang mga raliyista dahil sa umano’y overkill na ginawa ng pambansang pulisya dahil sa barikada na mga barb wire at container van bukod pa sa ilang hilera ng kapulisan.
Pero paglilinaw ni Aberin, walang anumang nangyaring “overkill’ kundi naghanda lamang sila dahil ayaw na nilang maulit pa ang nangyari noong September 21.
Ang paglalagay aniya ng steel barricade ay upang hindi magkaroon ng physical contact sa pagitan ng mga nagra-rally at mga kapulisan na nakadeploy.
Hindi naman nagtagal ang programa ng mga rallyista kontra korapsyon at umalis nang mapayapa sa C.M Recto.
Gayunman, sinabi ni Aberin na bagamat nadisperse na ang mga raliyista ay mahigpit pa rin ang pagbabantay ng mga kapulisan hanggat walang kautusan mula sa kanilang hanay na sila ay mananatili pa ring nakadeploy.
Sa bahagi ng Ayala Bridge, ikinatuwa naman ni Aberin na walang nagpunta na raliyista dahil kung sakali aniya ay mabibigo lamang sila dahil hindi sila papayagang makapasok patungong Mendiola.
Ayon kay Aberin, umabot sa 12,000 ang nakadeploy na mga pulis sa Maynila mula sa NCRPO, Region 3, 4A, at Cordillera Adminisrative Region.
Sa huli, nagpasalamat si Aberin sa mga nagra-rally sa kanilang kooperasyon sa inilatag nilang alituntunin at walang nangyaring dahas at physical contact sa pagitan ng mga pulis at rallyista . Jocelyn Tabangcura-Domenden