Home NATIONWIDE Senado magpapatuloy ng plenary session sa Disyembre 2 kasunod ng naganap na...

Senado magpapatuloy ng plenary session sa Disyembre 2 kasunod ng naganap na sunog

255
0

MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy ng Senado ang plenary session sa Martes, Disyembre 2 ng hapon, habang skeletal staffing naman ang mga opisina nito matapos ang nangyaring sunog na tumama sa isang commercial area sa ikatlong palapag ng gusali nito Linggo, Nob. 30, ng umaga.

Ayon sa advisory ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., ang plenary session ay bubuksan nang 1 p.m. sa Martes ayon sa utos ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Ito ay dahil sa pagpasok ng tubig sa Session Hall matapos ang mga ginawang pag-apula ng apoy na nakaapekto sa Office of the Legislative Technical Affairs Bureau sa ikatlong palapag noong Linggo ng umaga.

Pinayagan din ni Sotto na ang Senate secretariat at Senate Proper offices ay magkaroon ng skeletal staffing o alternative work arrangement ngayong Lunes, Disyembre 1. Layunin nito na bigyang-daan ang cleanup at equipment/facility check.

Ayon sa advisory, hindi kinakailangang pumasok ang lahat ng Secretariat at Proper employees maliban sa mga tauhan ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) at Maintenance and General Services Bureau (MGSB), o kung iuutos ng kanilang mga pinuno.

Para naman sa Martes, inatasan ni Sotto ang mga pinuno ng Office of the Sergeant-At-Arms, Legislation, LBRMO, ODSEAR, MGSB, EDP-MIS, PRIB, MDB, at SMU na tiyaking mayroong personnel na tutulong sa plenary session.

Sinabi rin na hindi kailangan pumasok ang iba pang Secretariat employees, at nasa desisyon ng kanilang principals kung kailangan pumasok ang Senate Proper employees.

Noong Linggo ng umaga, isang sunog ang tumama sa ikatlong palapag ng gusali ng Senado at naapula makalipas ang dalawang oras, matapos umabot sa second alarm. Tiniyak ni Sotto na ligtas ang lahat ng mahahalagang dokumento.

Sinabi niya: “Ligtas at hindi naapektuhan ang lahat ng mahalagang dokumento ng Senado, kabilang ang mga hawak ng Blue Ribbon Committee. Nakikipagtulungan kami sa BFP at internal security upang matiyak ang kaligtasan ng gusali at maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here