MANILA, Philippines – Dedma lang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panawagan na bumaba na siya sa puwesto sa gitna ng flood control corruption mess sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na nakatuon kasi ang Pangulo sa kanyang mga responsibilidad lalo na sa pagtugis sa mga taong nasa likod ng napakalaking flood control anomalies.
“Ang Presidente, ang ating Pangulo, hindi madi-distract sa mga ganyang panawagan. Meron siyang responsibilidad na dapat gampanan at ito ay tugusin yung mga may sala dito sa anti-corruption na ito at gagawin ng Pangulo natin ‘yan,” ang sinabi ni Gomez sa isang panayam.
Aniya pa, kinikilala ng Malakanyang ang lumalagong ‘public frustration’ sa flood control scandal at pagsirit ng mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa, subalit sinabi ni Gomez na bagaman ganito ang mga nangyayari ay nananatili namang committed ang gobyerno na tugunan ang usapin.
“He will not be distracted. Although yung mga calls na ‘yan, yung mga reklamo ng sambayanan, nararamdaman namin, naririnig namin sila. Alam naming galit sila, alam naming naiinip sila,” ang tinuran ni Gomez.
“But this is what I can say: we hear you. We feel you and we will not disappoint you. The President will not disappoint you,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Gomez na sa usapin ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scandal, umaabot ng taon bago pa makapagsampa ng kaso sa korte.
Subalit, ilang buwan lamang matapos ang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kagyat aniya na nagrekumenda ang Office of the Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure (ICI) nang pagsasampa ng graft charges at pagpapakulong sa ilang sangkot sa ‘ghost’ at maanomalyang flood control projects.
“Ngayon tatlong buwan pa lang simula nung binunyag ng ating Pangulo ito at marami nang nakasuhan at marami pang makakasuhan at meron ng mga nakulong,” ayon kay Gomez.
“At pangako nga ng Pangulo natin, bago mag-Pasko, mas marami pang makukulong. Kasama na diyan yung mga tinatawag nilang big fish,” aniya pa rin.
Nananatili naman aniya ang Pangulo na huwag patulan ang mga pahayag ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, isa sa mga akusado sa flood control case, binigyang diin na si Co ay dapat na “return to the country to face the music, to face his arrest warrant, and swear under oath all these allegations.”
Samantala, sinabi ni Gomez na mahigpit na naka-monitor si Pangulong Marcos sa protest actions na may kinalaman sa flood control corruption scandal.
“The President and the entire administration are monitoring the rallies. Kami in the government, we respect the people’s right to peaceably assemble and express their anger and frustration over these flood control issues. Kaisa nila kami,” ang tinuran ni Gomez.
“Ito (protest actions) ay parte ng kanilang freedom of speech. So kami patuloy lang nagmo-monitor at sana manatiling mapayapa ‘yung mga rally at maging vigilant lang tayo na bantayan natin ‘yung ating mga hanay sa mga may masamang balak na manggulo,” dagdag na wika nito.
Araw ng Linggo, Nobyembre 30 ay nagsagawa ng protest actions ang iba’t ibang grupo sa Luneta at Mendiola sa Maynila at sa People’s Monument on EDSA, nananawagan ng pananagutan hinggil sa flood control project anomalies. (KRIS JOSE)