MANILA, Philippines – Idineklarang dead on arrival ang isang lalaki nang aksidenteng makuryente makaraang tangkaing hulihin ang isang manok kahapon sa Sitio Alinsanayin, Barangay San Roque, Catanauan, Quezon.
Ang biktima, na wala nang buhay nang dumating sa Bondoc Peninsula District Hospital, Catanauan, Quezon, ay kinilala sa alyas Jake, nasa hustong gulang, at naninirahan sa nasabing lugar.
Base sa report ng Catanauan Municipal Police Station sa tanggapan ni P/BGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon, dakong alas-5:30 ng hapon, tinangkang hulihin ng biktima ang isang manok nang hindi niya namalayan na mayroong open live wire sa nasabing lugar, na siyang naging sanhi ng aksidente at pagkakakuryente sa kanya. (Ellen Apostol)