MANILA, Philippines – Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules na maaaring nakabalik na sa China si Cassandra Ong, na nahaharap sa kasong qualified human trafficking.
“Ang theory namin ay nasa China siya, bumalik siya ng China. Wala siya sa Pilipinas,” aniya sa isang ulat, matapos lumabas sa travel records na wala na ito sa bansa.
“So ang theory namin bumalik siya sa Fujian, China kung saan siya nanggaling,” dagdag niya.
Nagpahayag din si Remulla ng pagdududa na makikipagtulungan ang China sa paghuli kay Ong dahil walang repatriation agreement, at binanggit ang kaso ni 1MDB fugitive Jho Low.
Aniya, “One-way street ang China… hindi ako hopeful na makikiisa sila sa atin,” lalo na sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Taliwas ito sa pahayag ng Malacañang na nasa Pilipinas si Ong. May iniaalok ang DOJ na P1-milyong pabuya para sa impormasyon sa kanyang kinaroroonan.
Ayon sa PNP, mahigit 50 katao ang kinasuhan kaugnay ng umano’y scam hub na Lucky South 99, kung saan associate si Ong. Kabilang din sa mga nadawit si dating presidential spokesperson Harry Roque.
Noong Mayo, naglabas ng arrest warrants ang Angeles City RTC Branch 118 laban kay Ong at iba pang suspek, at kamakailan ay ibinasura ng Court of Appeals ang kanyang petisyon laban sa DOJ indictment. Santi Celario