MANILA, Philippines – Pinayuhan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkules ang mga mamimili na pumili ng alternatibong isda o manok dahil sa pagtaas ng presyo ng galunggong sanhi ng kakulangan sa pandaigdigang supply.
Ang imported galunggong sa Metro Manila ay nagkakahalaga ng PHP280–PHP350 kada kilo, habang ang lokal na galunggong ay nasa PHP300–PHP400 kada kilo.
“Talaga namang supply and demand ang sitwasyon. Kapag kulang ang supply, tataas ang presyo,” ani Tiu Laurel. “Hindi ko sinasabi na bababa agad ang presyo. Kung mahal, puwede na kayong pumili ng manok.” Inirekomenda rin niya ang ibang isda tulad ng bangus at tilapia.
Mataas din ang presyo ng alumahan sa PHP300–PHP450 kada kilo.
Inaasahan niyang bababa ang presyo sa PHP230–PHP250 kada kilo kapag dumating na ang naantalang import shipments. Sa 55,000 metric tons na aprubadong fish import, 30 porsyento lamang ang nakapasok.
Sinabi ng DA na kakanselahin nila ang mga hindi nagamit na SPSICs at ililipat sa mga importers na aktibong gumagamit. Santi Celario