MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House of Representatives noong Miyerkules ang House Bill 87 o Roll-Over Internet bill sa ikatlo at huling pagbasa, na magbibigay-daan sa mga Pilipino na makuha ang buong halaga ng internet services kahit may expiration periods.
Ipinag-uutos ng bill sa internet service providers (ISPs) na i-convert ang unused data bilang rebates na puwedeng gamitin para sa susunod na bayad.
Ang unused data mula sa promo packages ay puwedeng i-rollover at i-accumulate hanggang katapusan ng taon kung agad na ire-renew ang subscription matapos itong mag-expire.
Ang mga hindi makakapag-renew sa loob ng limang araw ay mababawasan ng 20% ang unused data, at kung lalampas pa sa limang araw, ituturing na nagamit na ang data.
Ayon kina Cavite Representatives Ramon Jolo Revilla III at Lani Mercado-Revilla at Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla, tinutuwid ng panukalang batas ang “fundamentally unfair” na sitwasyon kung saan nawawala ang unused data.
Dagdag pa nila, “strengthens digital inclusion, especially for students, remote workers, small business owners, and families who are now more reliant than ever on online platforms.” RNT