MANILA, Philippines – Ginagalang ng Malakanyang ang naging desisyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson na nagbitiw bilang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), bunsod umano ng kanyang edad at stress.
Ang ICI ang komisyon na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang siyang mag-imbestiga sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam na tanggap ng Malakanyang na ‘health reason’ ang naging konsiderasyon ng dating Kalihim sa pag-alis niya sa ICI.
“Talaga naman pong, mahirap naman po talaga ang trabaho ng ICI. Halos everyday may meeting po sila, naghi-hearing, kumbaga poldo-poldong mga dokumento ang kailangang basahin. Talaga naman pong hindi biro ang trabaho ng ICI,” ang paliwanag ni Castro sa isang panayam sabay sabing hindi na mapipigil ng Malakanyang ang desisyon ni Singson na umalis ng ICI lalo pa nga’t ang kalusugan na ang dahilan ng dating Kalihim.
At sa tanong naman kung tinanggap na ba ng Pangulo ang pagbibitiw ni Singson bilang miyembro ng ICI, ang naging tugon ni Castro ay ” wala pa pong napag-uusapan sa ganyan.”
Sa kabilang dako, sa pag-alis ni Babes Singson sa ICI, nais naman nitong tumulong sa DPWH na ipatupad ang kanyang master plan na hindi naipatupad noong nakaraang administrasyon.
“Iyon po talaga ang dapat tutukan,” ang sinabi ni Castro sabay sabing nakita din kasi ni Babes Singson na tapos na ang kanyang papel sa ICI at ang kailangan na aniya sa ICI sa ngayon ay mga abogado at ang kanyang expertise ay nais niyang ibigay sa DPWH.
Natawa naman si Castro sa komento ng ilan na sa pag-alis ni Babes Singson sa ICI ay tuluyan nang nawalan ng kredibilidad ang ICI.
“Hindi naman po. Marami naman pong magaling. Hindi naman po maapektuhan ang ICI sa pag-alis ni Sec. Singson. Mayroon lamang na nagpapagaganap nito para po hindi na maging maganda ang tingin ng tao sa ICI. Pero hindi, marami pa pong magaling na maiiwan po dyan,” litaniya ni Castro. (KRIS JOSE)