MANILA, Philippines – Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), hahabulin at haharap sa batas si dating Rep. Zaldy Co sa kabila ng hamon sa extradition, dahil walang kasalukuyang extradition treaty ang Pilipinas at Portugal.
Kumpirmado ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na kasalukuyang nasa Portugal si Co at may hawak na Portuguese passport.
Ani Remulla, “As of now, wala tayong extradition treaty with Portugal kaya tingin namin doon siya nagtatago.”
Ipinaliwanag niya rin na nakadepende sa batas ng Portugal kung maaring kasuhan si Co, lalo na kung ang krimen ay nagawa bago niya nakuha ang Portuguese passport.
Kung nangyari ito matapos ang pagkakaroon ng passport, posible siyang i-repatriate.
Matindi ang paninindigan ni Remulla na haharap sa hustisya si Co.
Aniya, “Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Maliit ang mundo, pwedeng magkamali siya, o pwedeng mapagbigyan tayo ng Portuguese government sa pamamagitan ng negosasyon.”
Kinumpirma rin ng DILG na nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang ari-arian ni Co, kabilang ang mga property sa Forbes Park at Bicol. Bagamat hindi nakapangalan sa kanya ang property sa Forbes Park, siya ang tinuturing na beneficial owner, at lahat ng ari-arian ay nasa ilalim ng freeze order.
Hinimok rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Co na bumalik sa bansa, at tiniyak na magpapatuloy ang imbestigasyon sa mga ghost flood control projects at alleged budget insertions sa House of Representatives. Si Co ang sentro ng pinakamalaking iskandalong korapsyon na kinasasangkutan ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kasabay nito, tiniyak ni Remulla na handa rin ang DILG na ipatupad ang arrest warrant kung sakaling maglabas ang International Criminal Court (ICC) ng warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na may kaso ng crimes against humanity kaugnay ng extrajudicial killings noong nakaraang administrasyon sa war on drugs.
Ani Remulla, “Kung lumabas ang warrant of arrest as validated by the Transnational Crime o DOJ o Interpol, aarestuhin namin siya.” Inihayag niya na patuloy na ipinapatupad ng DILG ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na panagutin ang mga may sala, tiyakin ang hustisya, at palakasin ang kooperasyon ng law enforcement sa iba’t ibang hurisdiksyon. RNT/MND