MANILA, Philippines – Ayon kay Independent Commission for Infrastructure (ICI) Commissioner Rogelio “Babes” Singson, hindi sapat ang mga pahayag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na ikinakabit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anomalous flood control projects para magsagawa ng imbestigasyon laban sa Pangulo.
Ani Singson nitong Huwebes, “Of course not… I mean— again, I am not a lawyer. I will leave it up to the lawyers to decide.” Idinagdag niya na patuloy nilang iniimbitahan si Co na magpaliwanag, maging sa pamamagitan ng Zoom o nakasulat na affidavit.
Naglabas si Co ng ilang video sa social media na nag-aakusang si Marcos at ang dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ang nasa likod ng korapsyon. Sa kanyang unang video, sinabi ni Co na si Marcos ang nag-utos ng P100 bilyon sa “fund insertions” sa proposed 2025 national budget.
Sa ikalawang video, inakusahan ni Co na siya at ang kanyang staff at security personnel ang personal na naghatid ng malalaking kahon ng cash sa dalawang opisyal, at umano’y nakatanggap si Marcos ng 25% bilang kickback. Sa ikatlong video, sinabi ni Co na umabot sa P56 bilyon ang kickbacks mula sa flood control projects na natanggap nina Marcos at Romualdez.
Parehong itinanggi nina Marcos at Romualdez ang mga alegasyon.
Bago sagutin ang tanong, sinabi ni Singson na hindi dapat agad paniwalaan ang mga pahayag ng isang dating kongresista at hindi ito maaaring gamitin bilang batayan para manakot o akusahan ang sinuman. Idinagdag niya na dalawang beses na inimbitahan ng ICI si Co na magharap.
Ani Singson, “Ang dami niyang sinabi eh, pero ano basis noon? Ganon-ganon na lang ba?” Binanggit din niya na sa mga Senate Blue Ribbon Committee hearings, maraming opisyal ang naikabit sa korapsyon, ngunit wala namang koneksyon sa flood control controversy.
“Kapag sinimulan naming i-interview ang mga nabanggit, talagang walang koneksyon. Either it was highly politically motivated or some other reason, we don’t know,” paliwanag ni Singson. RNT/MND