Home HOME BANNER STORY Reward sa pag-aresto kay Zaldy Co, suportado ng PNP

Reward sa pag-aresto kay Zaldy Co, suportado ng PNP

213
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na sinusuportahan nila ang pag-alok ng reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na maghahatid sa pag-aresto kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na nahaharap sa mga kaso ng malawakang korapsyon sa flood control projects.

Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., pinag-aaralan ng PNP ang mga implikasyon ng reward habang pinapalakas ang manhunt operations sa pakikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga lokal na pamahalaan.

Kasabay nito, nakikipagtulungan sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Office of the President upang mapabilis ang paghahanap at pag-aresto sa dating kongresista.

Aniya, “At this point, the PNP has not yet made a formal recommendation, but we are ready to support whatever policy decision the national government may take. Our focus remains on locating and arresting Zaldy Co using all legal means available.”

Ayon kay Nartatez, ang reward ay makakatulong para mas lumawak ang impormasyon mula sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na limitado ang presensya ng pulisya. Binanggit niya na tuloy-tuloy ang intelligence gathering at operasyon ng PNP kahit walang reward.

Nag-utos din si Nartatez sa mga yunit ng PNP sa buong bansa na higpitan ang monitoring sa border at checkpoint, palakasin ang koordinasyon sa ibang ahensya ng batas, at palawakin ang community engagement para sa grassroots-level na impormasyon.

Ipinahayag ng Malacañang na bukas ang pamahalaan sa pagbibigay ng reward para sa impormasyon na magdudulot sa pag-aresto kay Co, na pinaniniwalaang nasa Portugal at nahaharap sa mga kasong korapsyon at malversation kaugnay ng flood-control project irregularities.

Noong nakaraang buwan, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pag-aresto kay Co matapos ang pag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here