MANILA, Philippines – Dumating na sa Manila ang siyam na Filipino seafarers ng M/V Eternity C na pinigil ng Houthi rebels, at nakauwi sila sakto para sa Kapaskuhan.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), lumapag ang grupo sa NAIA Terminal 1 nitong Huwebes ng gabi. Bago bumiyahe pa-Manila, sinalubong muna sila sa Muscat, Oman nina DMW Secretary Hans Cacdac at Philippine Ambassador to Oman Raul Hernandez.
Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Sultanate of Oman sa pagtulong para sa pagpapalaya sa mga tripulanteng limang buwan nang bihag.
Sinabi ng DMW na maayos naman ang naging trato sa kanila ng mga rebelde, pero ikinagulat nila ang biglaang paglaya. “Hindi nila inaasahan, sabi nila ay merong tysana ng kanilang pagpapauwi pero hindi nila inaasahan na ngayon mangyari,” ayon kay Cacdac.
Pagdating sa hotel sa Muscat, agad nilang tinawagan ang kani-kanilang pamilya. Nagpasalamat si Cacdac sa DFA dahil nawala ang kanilang mga passport matapos lumubog ang barko.
“So ngayong gabi, na-witness ko mismo ang pagpapasinaya ni Ambassador Raul na pagbibigay sa kanila ng travel documents in lieu of their passports,” dagdag niya.
Makakatanggap ang seafarers ng financial grants at iba pang tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Samantala, iuuwi sa susunod na linggo ang labi ng isa pang tripulante ng Eternity C. Inaayos din ng DMW ang repatriation ng labi ni Maryan Pascual Esteban, isang Pilipinang domestic worker na namatay sa sunog sa Hong Kong. Dave Baluyot