MANILA, Philippines – Sinita ng Commission on Audit ang kabi-kabilang “significant irregularities” sa pagbili ng Cebu ng P59.05 milyong halaga ng puting round-neck T-shirts na para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan.
Sa Annual Audit Report for 2024, tinukoy ng COA ang inconsistent delivery records, kwestyonableng dokumentasyon at posibleng paglabag sa national procurement sa multi-million purchase.
Kumuha ng supplier ang probinsya sa ilalim ng P114.04 milyong kasunduan para ihatid ang 966,481 shirts para sa mga estudyante sa Provincial and City Schools Divisions para sa School Year 2024–2025.
Hanggang noong Disyembre 31, 2024, nakapagbayad ang Cebu ng P59,056,522 sa contractor, na kinuha sa Special Education Fund.
Sa kabila nito, nadiskubre ng COA ang mga kakulangan na “inconsistent” sa Presidential Decree 1445, COA Circular 2002-003 at Government Procurement Reform Act (Republic Act 9184), na nagpalutang ng pagdududa sa regularity at authenticity ng pagbili.
Nakita sa pagsusuri ng COA ang discrepancies sa deliveries na naitala sa Acceptance and Inspection Reports (AIRs).
Ang mga dokumento, ayon sa COA, ay ipinakitang 500,479 shirts ang naihatid na at sa report ng tauhan ng warehouse noong Enero 13, 2025 ay nakita ang mismatch na nasa 11,903 shirts.
Bigo ring mairekord sa report ng warehouse ang 22,025 shirts na inihatid noong Agosto 15, 2024.
Ang inconsistencies “raise significant concerns regarding the accuracy, regularity and authenticity of both the reported quantities and actual dates of delivery,” dagdag ng COA.
Sinabi pa ng COA na ang AIRs para sa August 12, 2024 ay hindi tinukoy ang place of delivery.
Kalaunan ay sinabi ng warehouse staff na ang mga produkto ay tinanggap sa Cebu Provincial Capitol, na iba sa kontrata kung saan itinakda itong tanggapin sa Provincial General Services Office (PGSO) Motor Pool Warehouse sa M. Velez St., Cebu City bilang official delivery site.
Nakita rin sa isa sa mga AIR na burado ang PGSO acceptance signature line.
Nakita rin sa unang disbursement voucher ang liham mula sa supplier na humihiling ng 15-day extension hanggang Agosto 31, 2024 dahil sa hirap makakuha ng raw materials.
Pinagbigyan ng Bids and Awards Committee (BAC) ang extension.
Bukod dito ay marami pang ibang inconsistencies na nakita ang COA patungkol sa issuance records, kwestyonableng bid documents at mga pirma.
Dahil dito ay inatasan ng COA ang Cebu province na ipaliwanag ang lahat ng inconsistencies, kabilang ang delivery mismatches, unrecorded deliveries, unexplained change in delivery location, at altered AIR signature line, at non-imposition ng liquidated damages. RNT/JGC