MANILA, Philippines – Naglabas ng panibagong freeze order ang Court of Appeals laban sa umano’y sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Layon ng freeze order na pigilan ang paggalaw sa mga ari-arian at accounts ng mga personalidad at kumpanyang iniuugnay sa umano’y katiwalian sa mga proyekto sa flood control.
Kahapon, inilabas ng CA ang freeze order sa mga assets ng isang construction company na nakakuha ng mga konrata at nangunguna sa mga ghost project.
Kasama sa utos ang iba pang personalidad at kumpanya na iniuugnay sa construction company.
Ang pag-ipit sa mga assets ng mga tinukoy na personalidad ay nakitaan ng korte ng sapat na batayan dahil sa posibleng paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds and Property salig sa Revised Penal Code.
Sakop ng utos ang 280 bank accounts, 22 insurance policies, tatlong securities account, at 8 air assets.
Sa kasalukuyan, 4,679 bank account, 283 insurance policies, 255 motor vehicles, 178 real properties, 16 e-wallet accounts at tatlong securities accounts ang iniipit ng dahil sa posibleng kaugnayan sa anomalya sa flood control projects
Nagkakahalaga ang mga ito ng P13 bilyon na inaasahan pang lalaki habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council at iba pang mga ahensiya ng gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden