MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Justice na kabilang si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla sa mga kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay sa umano’y flood control projects sa Bulacan.
Isinama sa reklamo si Revilla batay na rin sa isinumiteng ebidensya ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa dalawa sa limang kasong kasaukuyan pang isinasapinal ang mga resolution.
Limang araw ang ibinigay ng DOJ Panel of Prosecutions upang makapagsumite ng counter-affidavit ag dating senador matapos siyang humiling ng motion for extension.
Sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, sa pagpapatuloy ng preliminary investigation ngayong araw na kasama rin si Revilla sa umano’y maanomalyang proyekto na kinasasangkutan ng Wawao Builder at SYMS Construction and Trading.
Kasama rin dito ang mga nauna nang inireklamo na mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at JP Mendoza.
Bago ang Disyembre 15 ay inaasahang matatapos ng Panel of Prosecution ang preliminary investigation at mailabas ang resolution kung ibabasura ang kaso o iaakyat sa korte. Jocelyn Tabangcura-Domenden