MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa 43 degrees Celsius ang heat index sa Coron, Palawan at Dipolog, Zamboanga del Norte ngayong Huwebes, Nobyembre 5, ayon sa PAGASA.
Batay sa pinakahuling heat index forecast ng weather bureau, kabilang ang dalawang lugar sa “danger” category na may heat index na 42°C hanggang 51°C.
Inaasahan ding aabot sa 42°C ang heat index sa Iloilo City at Dumangas sa Iloilo, gayundin sa Butuan City, Agusan del Norte.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ang ganitong antas ng init ng heat cramps at heat exhaustion, habang ang matagal na exposure sa araw ay maaaring humantong sa heat stroke.
Pinayuhan ang publiko na limitahan ang outdoor activities kung maaari, uminom ng maraming tubig, gumamit ng payong at magsuot ng presko at komportableng damit.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na umiiral na ang “very strong” El Niño sa tropical Pacific at posibleng magpatuloy ang mga epekto nito hanggang unang kalahati ng 2027.
Ayon sa weather bureau, maaaring magdulot ang matagal na dry spell ng meteorological drought at iba pang uri ng tagtuyot na maaaring makaapekto sa agrikultura at suplay ng tubig. RNT