ABA, tila naliligaw sa sariling kampanya kontra katiwalian ang Land Transportation Office matapos ang tahasang pangha-harass sa mga nagnanais lamang na gamitin ang kanilang karapatang makilahok sa mapayapang rally noong Nobyembre 30, 2025.
Ang LTO, ahensyang ipinagmamalaki ang “reforma” at “paglilinis”, ay siya ngayong itinuturong protektor ng mga tiwaling nasa pamahalaan.
Noong una, ipinagmalaki ni LTO Chief Markus Lacanilao ang pagtanggal niya sa dalawang mataas na opisyal ng LTO- National Capital Region dahil sa umano’y korapsyon.
Sinundan pa niya ito nang pagsisiwalat ng umano’y kwestyonableng infrastructure projects sa LTO na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso. Ang lahat daw ay bahagi ng matapang niyang kampanya laban sa katiwalian.
Ngunit nang dumating ang araw ng malaking rally sa Luneta, bigla na lamang nagbago ang direksyon. Hindi pa man nakararating sa venue ang mga jeep at van na sasakyan sana ng mga raliyista, agad itong inimpound ng mga LTO enforcers dahil umano sa “iba’t ibang violations.”
Ang higit na masama, mismong ang mga enforcer ang umamin na alam nilang papunta sa rally ang mga sasakyan—dahil dala ng mga pasahero ang kanilang mga plakard at bandila, at malinaw nilang sinabi ang kanilang pupuntahan.
Kung ito ay simpleng pagpapatupad ng batas, bakit tila tanging ang mga papunta sa rally ang tinarget? At bakit merong “utos mula sa taas” na hulihin ang mga sasakyan para hindi makarating ang mga ito sa Luneta?
Ito ay malinaw na harassment. Hindi pagpapatupad ng batas. Hindi road safety. Hindi traffic order. Ginamit ang kapangyarihan ng ahensya para pigilan ang paglahok sa mapayapang pagtitipon ng mga taong naninindigan laban sa korapsyon.
At ano kaya ang hindi alam ni Lacanilao? Na ang mga jeep at van ay MAAARING gamitin ng mga driver at operator para sa personal na lakad? Hindi ba’t malinaw na nasa Saligang Batas ang karapatan ng bawat Pilipino na magpahayag laban sa katiwalian?
Mas nakatatawa o mas nakakalungkot ang irony na mismong boss niya, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nagsabi na kung hindi lang siya presidente, baka sumama pa siya sa mga rally laban sa korapsyon.
Panawagan ng LCSP: Ibalik ang mga sasakyang inimpound. Tigilan ang panggigipit.
Dahil ang Panginoon lang ang banal—hindi ang LTO.






