Home METRO Bagong features ng ‘May Huli Ka’ webiste ibinida ng MMDA; GCash maaaring...

Bagong features ng ‘May Huli Ka’ webiste ibinida ng MMDA; GCash maaaring gamitin sa pagbayad ng fines

333
0

MANILA, Philippines – Maaari nang ma-access ng mga may-ari ng sasakyang may violation ang mga bagong features ng MMDA “May Huli Ka” website matapos itong ilunsad nitong Biyernes.

Sa press conference sa MMDA office sa Pasig City, sinabi ni MMDA Chair Romando Artes na ang mga nahuli sa pamamagitan ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ay maaari nang makita ang kanilang violation sa mayhulika.mmda.gov.ph.

“Ilalagay lang ng motorista ang kanilang plate number at MV File number para makita kung may violation ang kanilang sasakyan,” sabi ni Artes.

Puwede na ring magrehistro ng maraming sasakyan sa iisang account—kapaki-pakinabang para sa TNVS operators, fleet managers, logistics companies, at commercial vehicle operators. Lahat ng violation ng fleet ay puwedeng ma-track at ma-review sa website.

May mas madali na ring paraan para mag-contest ng violation sa pamamagitan ng E-Contest feature.

“Kapag nakagawa at na-verify na ang account, puwedeng gumawa ng ticket, ilagay ang mga kinakailangang detalye, at mag-upload ng mga dokumento. May matatanggap na email kapag may tugon mula sa MMDA Traffic Adjudication Division,” paliwanag ni Artes.

Layunin ng mga bagong features na gawing mas madali para sa publiko ang pag-review ng kanilang violations at pag-manage ng kanilang mga sasakyan.

“Sa bagong features ng May Huli Ka website, maaari nang makita ng mga motorista ang kanilang record kahit kailan at saan man,” dagdag niya.

Ibinahagi rin niya na ang AI cameras ay ipo-program na rin para makita ang overspeeding, bukod pa sa kasalukuyang paggamit ng speed guns.

Samantala, pumirma ang MMDA ng kasunduan kasama ang G-Xchange Inc. (GCash) para payagan ang publiko na bayaran ang kanilang traffic at littering fines sa GCash. Magkakaroon ng PHP7 convenience fee kada transaction, mas mababa kaysa dating PHP12.

Tanging mga violation sa ilalim ng MMDA’s NCAP ang makikita sa “May Huli Ka” site; ang iba pang apprehensions ay makikita sa LTO, MMDA head office, at mga lokal na pamahalaan.

Hanggang Nob. 30, nakapagtala ang MMDA ng 252,315 violations, kung saan 119,345 ang validated. Sa ngayon, may 186 AI cameras, 348 CCTV cameras, at 100 body-worn cameras ang ginagamit ng MMDA. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here