MANILA, Philippines – Pinaigting ng National Housing Authority (NHA) ang paninindigan nito laban sa lahat ng uri ng karahasan sa kababaihan (VAW) sa paglulunsad ng isang nakaka-engganyong at interaktibong na photo exhibit noong Disyembre 5, 2025, bilang suporta sa nationwide 18-Day Campaign to End Violence Against Women.
Sa ilalim ng gabay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang pinamagatang “Home is Safe: NHA Building Inclusive & VAW-Free Communities,” exhibit ay may layunin na palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng ligtas at gender-responsive na mga komunidad, hikayatin ang aktibong pakikilahok sa pagsusulong ng VAW-free NHA settlements, at itampok ang patuloy na inisyatiba ng ahensya sa gender mainstreaming at ang dedikasyon nito sa pagpapaunlad ng kapakanan at empowerment ng kababaihan.
Binubuo ng apat na bahagi ang exhibit na ipinapakita ang iba’t-ibang pananaw at karanasan. Ang Exhibit 1 – Voices Against Violence ay naglalahad ng mga mensahe ng lakas at pag-asa. Itinatampok naman ng Exhibit 2 – Safe Homes, Safe Communities kung paano tumutulong ang mga disenyo ng pabahay, pasilidad ng komunidad, at spatial planning ng NHA sa pagpapanatili ng kaligtasan at kabuuang kapakanan ng mga pamilya. Ang Exhibit 3 – Overcoming Violence ay nagpapakita ng makabagbag-damdaming salaysay ng mga survivor at advocate, na nagbibigay-diin sa kanilang tatag at determinasyon. Samantala, hinihikayat ng Exhibit 4 – I Commit to a VAW-Free NHA ang mga bisita na gumawa ng personal na panata para sa pagtataguyod ng ligtas, inklusibo, at VAW-free na mga komunidad.
Ipinahayag ni NHA GM Tai ang kanyang buong suporta sa inisyatiba, na binibigyang-diin ang pananatiling nangunguna ng Authority sa pagpigil at pagtugon sa VAW sa pamamagitan ng pagpapatupad ng gender-responsive programs at pagbibigay ng mahahalagang serbisyo na nagpapalakas at nag-aangat sa kababaihan.
Ang pagbubukas ng exhibit ay kasunod ng Orange Lantern Lighting Ceremony ng ahensya, na nagsilbing pormal na hudyat ng pakikilahok ng NHA sa 18-Day Campaign. Ang pag-iilaw ng lantern ay sumisimbolo ng pagkakaisa at pag-asa—isang patunay ng matatag na pangako ng NHA na wakasan ang lahat ng uri ng karahasan laban sa kababaihan at pagtibayin ang kolektibong pagkilos para sa tunay na pagbabago. DANNY QUERUBIN







