MANILA, Philippines – Mas marami pang arrest warrant ang ilalabas sa susunod na dalawang linggo laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, Disyembre 6.
Sa panayam ng ABSCBN News, sinabi ni Remulla na walang deadline na ibinigay sa kanila ngunit patuloy nilang sisiguruhin na masusunod ang due process para rito.
“Marami pa ring warrant this December, marami yan. The next two weeks, maraming mga kaso ang ifa-file. The next 10 days, maraming kaso na ifa-file,” ani Remulla.
“Hindi ko lang mina-micromanage ang mga yan because I have other things to worry about sa trabaho ko… ‘yung special prosecutor namin is doing his job,” dagdag pa niya.
Sinegundahan din nito ang pahayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sisiguruhing matibay ang mga kasong isasampa laban sa mga personalidad na sangkot sa korapsyon.
“Basta ito proseso ito, there are no definite deadline is given, but i can assure you, the process is being followed so we respect people’s rights. Ang pinakaproblema diyan, nagmamadali ka, mava-violate ka ng rights, baka mapurnada pa. So we are very careful about the process.”
Ngayong linggo, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pormal na pagsasampa ng reklamo laban kina dating senador Bong Revilla at iba pang opisyal na tinukoy sa flood control scandal.
Ini-refer din ng ICI sa Ombudsman ang iba pang pangalan na sangkot sa isyu. Kabilang dito sina dating Senate President Chiz Escudero, Sen. Mark Villar, at mga dating senador Nancy Binay at Grace Poe.
Para sa apat na opisyal na ito, kailangan pa ng ICI ng mas maraming whistleblowers at mga saksi upang patunayan ang kanilang kaugnayan at simulan ang case build up.
“Ginagawa na namin yan, bago dumating ang ICI, mayroon na kaming teams na gumagalaw pero malaking tulong ang pagbigay nila ng information at kanilang affirmation. So tuloy-tuloy yan. Everybody mentioned by them is already under investigation,” komento ni Remulla patungkol dito. RNT/JGC