Home NATIONWIDE Crematorium na nanloko sa pet owners, papanagutin sa Senado

Crematorium na nanloko sa pet owners, papanagutin sa Senado

4
0

MANILA, Philippines – Matinding galit ang nararamdaman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa may-ari ng crematorium sa Bacoor, Cavite matapos matuklasan na itinapon lamang sa San Jose del Monte, Bulacan ang dapat naka-cremate na alagang hayop ng maraming pet owners.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food security and agrarian reform, at pet lover, na dapat managot ang may-ari ng crematorium sa paglabag sa batas.

“Nakakagalit at nakakalungkot ang sinapit ng 29 alagang hayop na itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, sa halip na i-cremate gaya ng ipinangakong serbisyo sa nagmamay-ari,” ayon kay Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na hindi katanggap-tanggap na pagkakitaan ang pagdadalamhati ng mga pet owner na nagbayad upang mabigyan nang maayos at marangal na huling hantungan ang kanilang alagang hayop.

Aniya, “kung mapatutunayang niloko sila, dapat managot ang mga nasa likod nito.”

“Maaaring lumabag sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, gayundin sa mga lokal na ordinansa sa kalinisan at sanitasyon, ang umano’y pagtatapon sa mga labi ng mga hayop,” ani Pangilinan.

Giit pa ng senador na kung niloko naman ang mga may-ari at pinagbayad sa cremation na hindi naman talaga ginawa, maaaring pumasok ang kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code.

“Maaari ring managot sa danyos dahil sa paglabag sa contractual obligations sa ilalim ng Article 1170 ng Civil Code. Kailangang mapanagot ang mga responsable batay sa ebidensiya at sa tamang proseso ng batas,” giit ng senador.

Dahil dito, nanawagan ang mambabagtas sa lokal na pamahalaan at kinauukulang awtoridad na imbestigahan agad ang insidente at tiyaking mapanagot ang mga responsable.

“Dapat ding mabigyan ng tulong ang mga pet owner na nabiktima upang makapagsampa sila ng kaukulang reklamo,” ani Pangilinan.

Noong 15th Congress, ayon kay Pangilinan na nakipagtulungan siya sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) upang amyendahan ang Animal Welfare Act of 1998 sa pamamagitan ng Republic Act No. 10631. “Pinalakas ng batas na ito ang mga parusa laban sa pagmamalupit, pagpapabaya, at pang-aabuso sa mga hayop.”

“Patuloy nating isinusulong ang mas mahigpit na proteksyon para sa mga hayop sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2501 o Revised Animal Welfare Act, na kilala rin bilang Dolly’s Act,” ayon sa mambabatas.

Iminumungkahi ni Pangilinan ang isang panukalang batas sa pagtatatag ng Animal Welfare Bureau na mangangasiwa sa pagtatakda at pagpapatupad ng pamantayan upang matiyak ang wastong pangangalaga sa mga hayop.

Kabilang dito ang pagbibigay ng sapat na pagkain, tubig, at tirahan, access sa serbisyong beterinaryo, at proteksyon laban sa pagmamalupit, ayon sa senador.

“Sa final version ng batas, isasama natin ang mga pasilidad tulad ng pet crematorium.

Ang pagmamahal at pag-aalaga sa ating mga alagang hayop ay hindi dapat matapos sa kanilang pagkamatay. Nararapat lamang na mabigyan din sila ng maayos at marangal na huling hantungan,” ani Pangilinan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here