Home NATIONWIDE Karagdagang bayad sa empleyadong papasok ngayong special non-working day, pinaalala ng DOLE

Karagdagang bayad sa empleyadong papasok ngayong special non-working day, pinaalala ng DOLE

279
0

MANILA, Philippines – Makakatanggap ng karagdagang bayad ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok ngayong Lunes, Disyembre 8 na idineklara na special non-working day bilang pagdiriwang ng Kapistahan ng Immaculate Conception, ayon sa  Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa Labor Advisory No. 17, sinabi ng DOLE na ang mga empleyado na magtrabaho sa espesyal na araw na ito ay dapat bayaran ng 130 porsiyento ng kanilang basic wage para sa unang walong oras ng pagtatrabaho (Basic wage × 130%).

Ang mga hindi pumasok sa trabaho ay susundin ang “no work, no pay” rule maliban na lamang kung may polisiya ang kumpanya na nagbibigay ng bayad sa mga espesyal na araw.

Ang mga manggagawang mag-overtime ay makatatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang hourly rate para sa mga oras na nagtrabaho lampas sa walong oras.

Kung ang isang empleyado ay magtrabaho sa espesyal na araw at ito at natapat sa kanilang naka-sched na rest day, sila ay makatatanggap ng 150 porsiyento ng kanilang basic wage para sa unang walong oras (Basic wage × 150%).

Ang overtime sa isang rest day ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng hourly rate (Hourly rate × 150% × 130% × bilang ng mga oras na nagtrabaho).

Ang Disyembre 8 ng bawat taon ay isang espesyal na nonworking holiday sa buong bansa upang gunitain ang Kapistahan ng Inmaculate Concepcion of Mary, ang pangunahing patrona ng Pilipinas, ayon sa Republic Act 10966 na nilagdaan noong Disyembre 28, 2017. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here