TUGUEGARAO, Philippines – Inaresto ng pulisya ang isang 27-anyos na babae sa isang entrapment operation noong Disyembre 3 sa Tuguegarao matapos lumabas na ito ay isang pekeng dentista.
Natuklasan na ang suspek ay nag-aalok ng dental services online, nakikipag-ugnayan sa mga potensyal na kliyente sa pamamagitan ng messaging. Kinumpirma ng Philippine Dental Association (PDA) at Professional Regulations Commission (PRC) na hindi lisensiyadong dentista ang babae.
Arestado siya habang nagsasagawa ng dental procedure sa isang poseur patient. Narekober mula sa kanya ang mga dental paraphernalia at ang mobile phone na ginamit sa pakikipagkomunikasyon sa mga kliyente.
Lumabas sa imbestigasyon na siya ay isang high school graduate lamang at ilegal na nagpraktis ng dentistriya sa loob ng 10 taon, gamit ang kagamitan na binili online.
Dinala ang suspek sa City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings at kasalukuyang nakapiit sa Tuguegarao City Component Police Station.
Nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging maingat sa pag-avail ng health-related services at agad na i-report ang kahina-hinalang aktibidad. RNT/MND