Home NATIONWIDE Ombudsman Remulla: “Susundan namin ang ebidensya” sa isyu ng ‘pork barrel kings’

Ombudsman Remulla: “Susundan namin ang ebidensya” sa isyu ng ‘pork barrel kings’

257
0

MANILA, Philippines – Nangako si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na “susundan ang ebidensya” matapos pangalanan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sina Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez bilang umano’y “pork barrel kings” sa isang ulat nitong Nobyembre.

Ayon sa PCIJ, mula 2023 hanggang 2025 ay halos P1.2 trilyon sa “allocable” funds — na itinuturing nilang bagong anyo ng pork barrel — ang napunta kay Sandro Marcos, anak ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at kay Romualdez, na pinsan ng Pangulo at dating House Speaker.
Partikular, P15.8 bilyon ang naitalaga kay Sandro at P14.4 bilyon naman kay Romualdez sa nakalipas na tatlong taon.

Sa isang panayam kay Karen Davila ng ABS-CBN News, sinabi ni Remulla: “Follow the evidence… Where the evidence leads us, we will go there. We will bring it to the proper forum.”
Dagdag niya, hindi sila namimili kung sino ang iimbestigahan.

Ipinaliwanag ng PCIJ na ang “allocables” ay bagong anyo ng pork barrel kung saan ang executive branch ang nagtatakda ng kabuuang halaga, ngunit ang mga mambabatas ang nagdedesisyon kung paano ito gagastusin.

Idineklara ng Supreme Court na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2013, ngunit madalas pa ring magbabala ang civil society groups tungkol sa mga posibleng bagong anyo ng discretionary funds.

Nang tanungin kung iimbestigahan din niya si Romualdez, tugon ni Remulla, “Yes. Wala akong choice. Responsibilidad ko ito sa taumbayan.”

Aniya, alam ng kanyang pamilya ang bigat ng trabaho ngunit kailangan niyang gampanan ang tungkulin bilang Ombudsman.

Sinabi rin niyang kaya niyang imbestigahan ang malalapit sa Pangulo nang walang personal na bias.

Ani pa niya, “Parte ng leadership ang paggawa ng mahihirap na desisyon.”

Dagdag ni Remulla, gagamitin ng kanyang opisina ang PCIJ report bilang basehan.

“Sa umpisa parang hearsay ’yan, pero pag may supporting documents, iva-validate namin, then magsisimula ang imbestigasyon,” aniya.

Kasabay nito, humaharap ang Ombudsman sa pressure na papanagutin ang mga opisyal mula sa iba’t ibang political camps kaugnay ng flood control scandal at iba pang kaso ng korapsyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here