PASIG CITY, Philippines – Ipinagbawal na ang lahat ng advertisements at promotions na may kinalaman sa sugal sa Pasig City, ayon kay Mayor Vico Sotto nitong Lunes.
Naipasa ng lokal na pamahalaan ang Ordinance No. 26 s-2025, o “An Ordinance Regulating Gambling Marketing Within Pasig City.”
Ang may-akda nito ay si Pasig City Councilor Paul Senogat.
Sa ilalim ng ordinansa, bawal na ang anumang uri ng gambling advertising sa mga pampublikong lugar tulad ng billboards, transit ads sa mga PUV na sakop ng city government, transport terminals, building wraps, posters, LED screens, leaflets, brochures, flyers, at iba pang street-level media na ipinamamahagi sa lungsod.
Ayon sa ordinansa, pinapayagan lamang ang gambling advertisements sa loob mismo ng mga licensed casinos at betting outlets.
Sa isang social media post, sinabi ni Sotto na malaking hakbang ito para sa Pasig, lalo’t wala silang kontrol sa online o national-level platforms.
Binigyang-diin niya na nakakaapekto pa rin ang gambling marketing sa mga taong umiiwas o nagtatangkang umiwas sa pagsusugal, ayon sa pag-aaral sa gambling psychology.
Dagdag pa ng alkalde, marami na siyang nakitang buhay na nasira dahil sa active-play gambling.
“Iba ang sitwasyon kapag kusa kang pumunta sa sugalan; pero ibang usapan na kapag palagi kang nai-engganyo dahil sa mga paalala at ads,” paliwanag niya. RNT/MND