Home NATIONWIDE Panibagong banta ng Impeachment binatikos ni VP Sara: “Ginagawang Bargaining Chip sa...

Panibagong banta ng Impeachment binatikos ni VP Sara: “Ginagawang Bargaining Chip sa 2026 Budget”

331
0

MANILA, Philippines – Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang panibagong banta ng impeachment complaint mula sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na tinawag niyang isang “bargaining chip” para makialam sa 2026 national budget.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Duterte na hindi na siya nagulat sa plano umano ng ilang miyembro ng House of Representatives na magsampa ng panibagong impeachment complaint laban sa kanya. Ngunit aniya, ang timing nito ay nagpapakita ng isang pattern na matagal na niyang napapansin.

Ayon sa kanya, noong nakaraang panahon ay isiniwalat nina Sen. Francis “Chiz” Escudero, Rep. Toby Tiangco, at ilang House members na noong Pebrero 2024 ay may nag-iipon ng pirma para sa kanyang impeachment kapalit ng budget allocations.
Ani Duterte, pinatunayan nito na ang impeachment laban sa kanya ay hindi dahil sa prinsipyo kundi dahil sa “presyo.”

Ipinagluksa niya na walang naging imbestigasyon para managot ang mga sangkot sa pagkuha ng impeachment signatures kapalit ng budget, na aniya ay nasayang lamang sa “political warfare” imbes na magsilbi sa publiko.

“Ngayon, ginagamit na naman ang impeachment bilang bargaining chip bago maipasa ang 2026 National Budget. Sa mga patuloy na umaabuso sa prosesong ito, tigilan n’yo na ang pagtatago sa likod ng ‘good governance,’” ani Duterte.

Dagdag pa niya, handa siyang sagutin ang anumang alegasyong may basehan, ngunit hindi siya mananahimik habang ginagamit ang impeachment sa mga isyung nakasentro sa budget.

Samantala, sinabi ni Bayan chairperson Teddy Casiño na nakatakdang magsampa ng panibagong impeachment complaint laban kay Duterte sa susunod na taon, dahil matatapos na ang one-year ban sa paghahain nito.

Ang bagong complaint ay tututok sa umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd), kung saan nagsilbi si Duterte bilang secretary.

Kumpiyansa rin si Casiño na makakakuha sila ng suporta mula sa mga mambabatas.

Aniya, “Ang impeachment noong nakaraang taon ay may higit 200 signatories, lampas sa kinakailangang one-third.”

Noong Disyembre 2024, apat na impeachment complaints ang isinampa laban sa vice president.

Ang ikaapat na reklamo—nakabatay sa imbestigasyon ng House Good Government and Public Accountability Panel sa paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd—ay inendorso ng higit 200 congressmen noong Pebrero 2025, na nagresulta sa impeachment ni Duterte sa House of Representatives.

Noong Agosto 2025, ibinasura ng Senado ang impeachment articles sa botong 19–4, may isang abstention, kasunod ng ruling ng Supreme Court na nagdeklara sa complaint na unconstitutional. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here