Home NATIONWIDE Pakikipagtulungan, mas malakas na pangkalusugang serbisyo, diniinan ni Bong Go

Pakikipagtulungan, mas malakas na pangkalusugang serbisyo, diniinan ni Bong Go

274
0

MANILA, Philippines – BINIGYANG-DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagtutulungan ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan at pagpapalakas ng serbisyong medical sa nakaraang ika-103 anibersarsyo ng National Assembly of the League of Vice Governors of the Philippines na ginanap Conrad Hotel, Pasay City nitong nakaraang Biyernes.

Sa kanyang talumpati, inihayag ni Go ang labis niyang pagpapasalamat sa tuloy-tuloy na pagsasama o partnership sa pagitan niya at ng mga bise gobernador at muli niyang tiniyak ang kanyang pangako na sususportahan niya ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga abot-kamay na mga serbisyong medikal, social program at responsive governance.

Binigyang-diin ng senador ang kanyang matagal nang ugnayan sa Liga at muli niyang sinariwa kung paano niya sinuportahan nang lubos ang mga lokal na opisyal, kasama na ang pagdalo sa kanilang mga pagsasama-sama, kahit pa nang naging senador na siya.

“Unang una, kanina po sabi ko… sa inyong national president, sabi ko hindi po ako pwedeng hindi pumunta ngayon kasi yearly talaga, halos nung hindi pa ako naging senador, iniimbitahan n’yo talaga ako. ‘Yung iba, gobernador na ngayon.”

Inihayag na rin niya ang lubos niyang pagkilala sa pagtitiwala sa kanya ng mga lokal na opisyal. Aniya, “‘Wag kayong magpasalamat sa akin. Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po ako ng pagkakataon muli na makapagserbisyo sa inyo bilang inyong senador. Ginawa n’yo pa akong number one sa inyong mga lugar. Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.”

Binigyang diin din niya ang pagkakahawig ng gawain ng senador at ng bise gobernador bilang mga mambabatas. “Malapit naman po sa puso ko ang mga vice governor. Halos pareho po tayo ng trabaho. Ngayon ko na-realize after ng termino ni former President (Rodrigo) Duterte, mahirap mag-isa. ‘Yung wala kang ibang resources. Pero ‘yung sipag na lang ang pwede mong ipagmalaki o ialay sa Filipino.”

Ipinaalala na rin niyang sa kabila ng mga kakulangan o kawalan ng lahat ng yamang nasa kamay ng isa’t isa, pinakamahalaga pa rin ang sinseridad at pagmamalakit sa paglilingkod-bayan.

“Kapag bumaba ka sa vice governor, pareho tayo ng trabaho, legislator. Pero huwag ho nating limitahan ang sarili natin kahit wala na tayong resources, ang puhunan natin dito yung sipag at pagmamahal at pagmamalasakit sa Filipino. Diyan nila nakikita ‘yan e. Alam mo ang Filipino matatalino naman po ‘yan. Alam nila kung sino yung totoong nagseserbisyo at nagmamahal nang totoo sa kanila,” aniya.

“Huwag ho nating limitahan ang ating sarili bilang vice governor, bilang presiding officer. Legislator tayo ngunit ang pinakaimportante yung ating constituency at representation. Tayo po ang bumaba sa kanila sa panahon ng kanilang pangangailangan.

“At mas alam nyo po itong trabaho. You are superstars in your own rights, alam na alam nyo po yan,” dagdag ni Go.

Kaugnay nito, hindi rin niya iniwasang banggitin ang korapsyon at pag-aaksaya ng mga pampublikong pondo at sinabi nitong obligasyong moral ng mga tagapaglingkod na tiyaking matamang gamitin at gastusin ang kabang bayan.

“Rest assured, I am one with the Filipino people in this fight and crusade against corruption in government. Huwag tayong pumayag na ganun lang po ang gagawin nila. Alam n’yo, ilan pong pasyente ang matutulungan sana ‘yung sinayang nila roon… ilang health center, ilang hospital, ilang classroom na po ang pwedeng naipagawa noon, ilang evacuation center na po ang pwedeng napagawa sa sinayang na pondo nila sa flood control.”

Sinabi rin niyang dapat managot ang mga responsable sa pagnanakaw at paglustay ng kabang bayan. “Wag po tayong pumayag na hindi talaga managot ‘yung dapat managot… Tumbukin natin ang dapat tumbukin… ito talagang mastermind dito sa kalokohang ito. Naaawa ako sa Filipino ‘pag bumababa ako, nagmamakaawa, humihingi ng tulong, mga pasyente, nangangailangan ng tulong. Heto, sinasayang, pera po. Pera ng taong bayan ‘yan ang sinasayang.”

Mula rito, muling iginiit ni Go ang matatag at tuloy-tuloy na adbokasya nitong dalhin ang serbisyong medikal sa mga tao at patunay rito ang paggawa niya ng mga kaukulang batas para rito gaya ng para sa Malasakit Centers at Super Health Centers.

Isang one-stop shop ang bawat Malasakit Center na nagtitiyak ng maliit na mga bayarin sa mga ospital, lalo na sa hanay ng mahihirap at itinatag ito sa bisa ng Republic Act 11463 o Malasakit Centers Act of 2019 at may 167 Malasakit Centers nang gumagana sa buong bansa na napakikinabangan na ng 17 milyong katao, ayon sa tala ng Department of Health.

Ginawa naman ang Super Health Centers para sa mga primary care, konsultasyon at maagang pag-alam sa sakit upang lalong mapalakas ang kalagayan pangkalusugan ng malalayo sa mga sentrong lungsod, lalo na ang grassroots communities.

Kinilala rin ni Go ang pakikisa ng mga kapwa mambabatas, ang DOH sa ilalim ni Secretary Teodoro “Ted” Herbosa at mga local government unit at pagkilos ng mga ito para magkaroon ng sapat na pondo para maitayo ang mahigit nang 700 Super Health Center sa buong bansa.

Sa huli, sinabi niya, “Vice Governors Leading with Integrity, Strengthening Provincial Oversight, Transparency and Fiscal Stewardship,” calling it both relevant and necessary. “Bilang mga pangalawang pinuno ng ating mga probinsya, nasa inyong balikat ang malaking responsibilidad na tiyakin ang tamang paggamit ng pondo, maayos na pagbabalangkas ng pulisiya at patas na paglalatag ng direksyon ng lokal na pamahalaan.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here