MANILA, Philippines – Magpapatupad ng full alert ang Bureau of Fire Protection (BFP) mula Disyembre 23 hanggang Enero 1 upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Mahigit 31,000 bumbero ang ide-deploy sa buong bansa sa ilalim ng kampanyang “Oplan Paalala-Iwas Paputok” upang mabawasan ang panganib ng sunog at mapabuti ang emergency response.
Magsasagawa ang BFP ng inspeksyon sa mga pampublikong lugar, pre-fire planning, community information drive, at emergency medical services.
Binalaan ang publiko na maging maingat sa mga karaniwang sanhi ng sunog tulad ng electrical short circuits, overloading, bukas na apoy, sunog sa kusina, at paputok.
Itinala ang pagtaas ng sunog mula 31 insidente noong 2024 sa 111 ngayong taon.
Magkakaroon ng prepositioned fire trucks at personnel sa mga lugar na nagbebenta ng paputok, habang nakikipag-ugnayan ang BFP sa LGUs at PNP para ipatupad ang Executive Order 28, na naglilimita ng paputok sa mga designated Community Fireworks Display Areas.
Binigyang-diin ni BFP Chief Director Jesus P. Fernandez ang misyon ng ahensya na protektahan ang bawat komunidad sa pamamagitan ng maagap na pag-iwas at mabilis na tugon. Santi Celario