Home NATIONWIDE Habambuhay na bisa ng PWD ID, itinutulak ni Sen. Tulfo

Habambuhay na bisa ng PWD ID, itinutulak ni Sen. Tulfo

271
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Sen. Erwin Tulfo nitong Martes na ang panukalang gawing panghabambuhay ang bisa ng ID ng mga taong may permanenteng kapansanan ay isang “common-sense reform” na magpapagaan sa pasanin ng mga PWD at kanilang tagapag-alaga.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, binigyang-diin ni Tulfo na ang mga permanenteng kapansanan ay hindi gumagaling o nawawala, ngunit kailangan pa rin ang paulit-ulit na renewal at re-evaluation ayon sa kasalukuyang patakaran.

“Permanent disability does not change… hindi ito nawawala at hindi rin gumagaling,” aniya, binanggit ang mga kondisyon tulad ng congenital limb loss, paralysis, blindness, deafness, muteness, Down syndrome at autism.

Layunin ng Senate Bill 1405 na baguhin ang Magna Carta for Persons with Disability dahil wala umanong napapala sa paulit-ulit na paghingi ng mga dokumento sa mga taong may kondisyong hindi naman nagbabago.

Ayon kay Tulfo, ang renewal process ay nagpapahirap sa PWD at kanilang pamilya dahil sa mahabang pila, pagod, stress at gastos, para lamang ulitin ang pagpapatunay sa isang kondisyong hindi na mababago.

Dagdag pa niya, mali ang mensaheng ipinapakita nito na para bang nagdududa ang gobyerno sa pagiging permanente ng kanilang kapansanan.

“Isang araw na naman sa pila, isang araw na naman na kailangan nilang patunayan ang isang bagay na hindi naman nagbabago,” sabi niya, at idinagdag na ang ganitong requirements ay para bang humihingi ng re-verification sa mga kundisyong hindi na mapapagaling sa medisina.

Sinabi rin ni Tulfo na ang pagbibigay ng lifetime validity sa PWD IDs ay isang “act of respect” dahil binabawasan nito ang pahirap sa proseso at mas nagagamit ng gobyerno ang resources para sa mga kasong tunay na kailangan ng reassessment.

Sa pagdinig, nagpahayag ng buong suporta si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary for ICT at Chief Information Officer Johannes Paulus Acuña sa pagpapalakas ng PWD identification systems.

Sinabi niyang ang DSWD, kasama ang National Council on Disability Affairs, ay “lubos na sumusuporta sa layuning palakasin ang validity, security, at integrity ng IDs ng persons with disabilities.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here