AUSTRALIA – Ipinagbawal ng Australia ang paggamit ng pangunahing social media platforms sa mga indibidwal na wala pang 16 taong gulang simula Disyembre 10, bilang hakbang upang protektahan ang mga bata mula sa pambubully, sekswal na nilalaman, at karahasan online.
Maaaring pagmultahin ng hanggang US$33 milyon ang mga platform na hindi susunod.
Ani Prime Minister Anthony Albanese, “Madalas, ang social media ay hindi talaga social.
Sa halip, ito ay ginagamit bilang sandata ng mga bully, plataporma ng peer pressure, sanhi ng anxiety, sasakyan ng mga scammer at, higit sa lahat, kasangkapan ng online predators.”
Sakop ng pagbabawal ang Facebook, Instagram, YouTube, TikTok, Snapchat, Reddit, at streaming platforms tulad ng Kick at Twitch.
Kailangang tiyakin ng mga platform na ang mga gumagamit ay 16 taong gulang pataas, gamit ang AI o government ID bilang pagpapatunay. Kasalukuyang exempted ang Roblox, Pinterest, at WhatsApp.
Binatikos ng mga social media companies ang batas bilang “mabilis na ipinatupad,” at inaasahan ang mga legal na hamon.
Ayon sa mga tagapagtaguyod, mahalaga ang pagbabawal upang protektahan ang mga bata mula sa nakaka-adik at mapanganib na nilalaman online. RNT