MANILA, Philippines – Nanindigan ang Senado na magkaroon ng livestreaming sa pagdinig ng bicameral conference committee sa panukalang 2026 national budget kahit pa tumututol ang ilang miyembro ng House of Representatives na gusto ang closed-door proceedings.
Sa pahayag, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi niya papayagan ang bicam sa House Bill No. 4058, ang 2026 General Appropriations Act (GAA), na magtuloy kapag walang livestreaming, alinsunod sa napagkasunduan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Hindi ako papayag. Hindi ako papayag na hindi naka-livestream,” ayon kay Sotto sa interview.
Sinabi pa ni Sotto na hindi tumutol si Speaker Faustino “Bojie” Dy sa livestreaming sa ginanap na LEDAC meeting.
“Matagal na naming napag-usapan na livestream talaga yun… SOP na yun,” aniya.
Ibinasura din ni Sotto na maaaring magkaroon ng deadlock kapag naka-livestreaming ang proseso dahil walang kinalaman ito sa sustansiya ng deliberasyon ng badyet kundi upang tiyakin ang accountability.
“Gusto namin naka-open, kitang-kita ng publiko kung sinu-sino ang naglagay nito… ano ang budget para sa DepEd, DOH, DA,” ayon kay Sotto.
Kinumpirma din ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na natuklasan nila na may “some resistance” mula sa House members hinggil sa livestreaming.
Aniya, mahigpit na nakikipag-koordinasyon si finance committee chair Sen. Win Gatchalian direkta sa kanyang House counterparts at binanggit na pinagtibay ng Senado ang concurrent resolution hinggil sa livestreaming ng bicam proceedings.
“Ilalaban namin basta’t kailangan i-livestream,” ani Lacson.
Inaasahan na magsisimula ang bicam conference committee sa linggong ito, partikular ang Disyembre 13 hanggang 14, na may public access upang matiyak ang transparency sa pag-aapruba ng pambansang badyet. Ernie Reyes