MANILA, Philippines – Alam ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lokasyon at galaw ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kabila ng ulat ng arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).
“We are monitoring him. Alam namin kung nasaan siya. At hintayin lang namin kung may utos talaga ang korte o wala,” pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa panayam ng GMA News.
Aniya, si Dela Rosa ay nagpapalipat-lipat sa iba’t ibang lugar gamit ang iba’t ibang sasakyan sa tulong ng ilang kaibigan.
Sa nakalipas na tatlong linggo, namataan si Dela Rosa sa anim na lokasyon.
“Palipat-lipat siya ng mga bahay. Sa mga kaibigan niya, tinatago siya. Tapos sa loob lang siya ng bahay. Kapag lilipat siya, iba-ibang kotse ang ginagamit,” ani Remulla.
“So I think we’ve monitored him in six different places in the last three weeks,” dagdag pa niya.
Tumanggi naman si Remulla na ibahagi ang eksaktong lugar kung nasaan si Dela Rosa dahil ikinokonsidera aniya itong isang confidential information.
Sinabi naman ng DILG chief na hindi pa ikinokonsidera ng mga awtoridad si Dela Rosa na pugante dahil wala pa ang opisyal na arrest warrant ng ICC.
Kung mag-iisyu ang ICC ng arrest wrrant, ani Remulla, ibabatay naman nila ito sa ruling ng Korte Suprema sa extradition at papayagan ang senador na gumamit ng legal remedy.
“According to the Supreme Court ruling on extradition, papayagan si Senator Bato to seek redress from the court. Kahit RTC, pwede siya mag-seek ng redress to deal with the matter,” sinabi ni Remulla.
“At kung ano ang desisyon ng korte, ay iyon ang gagawin ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na si Dela Rosa at apat iba pang high-ranking ex-police officials ay tinukoy bilang mga suspek sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong crimes against humanity.
Si Trillanes ang isa sa mga personalidad na naghain ng reklamo laban kay Duterte sa ICC.
Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police sa kasagsagan ng implementasyon ng drug war ng Duterte administration.
Kamakailan ay sinabi ni Atty. Israelito Torreon na iniiwasan ng kanyang kliyenteng si Dela Rosa ang humarap sa publiko dahil “his personal safety is at stake.”
“Kasi wala pong klaro kung ano po ang polisiya o wala po tayong batas as to how to deal with surrender. Kasi klarong-klaro po yung gobyerno natin is they will up the modality of surrender instead of extradition under Section 17 of Republic Act 9851,” dagdag pa niya.
Ani Torreon, huli niyang nakausap si Dela Rosa noong Nobyembre 8. Posible aniyang nasa Pilipinas pa ang senador. RNT/JGC