Home HOME BANNER STORY 3-day jeepney strike inihinto

3-day jeepney strike inihinto

339
0

MANILA, Philippines – Pansamantalang inihinto ng transport group na Manibela nitong Huwebes, Disyembre 11 ang tatlong araw na nationwide strike nito matapos ang produktibong pakikipag-usap sa transport regulators.

Ayon sa Manibela, nasa 20,000 jeepney driver ang lumahok sa strike na nagsimula ngayong linggo.

Hanggang nitong umaga ng Huwebes, balik na sa kalsada ang mga jeepney driver sa Nagtahan headquarters ng Manibela sa Maynila kahit wala pang utos mula sa grupo para magsakay ng mga pasahero na nahihirapang makabiyahe.

Anang mga drayber, nahihirapan silang tiisin ang mga pasahero na walang masakyan at istranded na nang ilang araw.

Samantala, sinabi ng grupo na ang desisyon nilang suspendihin ang kilos-protesta ay matapos na maglatag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at Department of Transportation (DOTr) ng set of commitments sa naging pagpupulong ng mga ito sa kasagsagan ng tatlong araw na tigil-pasada.

Sa pahayag, sinabi ng Manibela na ang strike ay nagtagumpay sa pagkuha ng “attention and promised action” mula sa mga ahensya ng pamahalaan.

Nangako aniya ang mga opisyal na ilalabas ang mga pending na jeepneys, license plates, at drivers’ licenses ng mga apektadong operator.

Idinagdag din ng Manibela na nangako rin ang mga awtoridad na maglalabas ng memorandum circular na nagpapalawig sa Provisional Authority of operators at pumapayag sa patuloy na vehicle registration sa LTO.

Pumayag din anila ang transport officials na “investigate and hold accountable LTO and LTFRB personnel involved in payola,” at tinukoy ang umano’y bentahan ng Provisional Authority documents sa TNVS applicants.

“Dahil sa pakikiusap ng LTO, LTFRB, at Acting Secretary Giovanni Lopez, pansamantala naming tinapos ang transport strike,” pahayag ng Manibela.

Nagpasalamat naman si Manibela chairperson Mar Valbuena sa mga sumuporta sa strike.

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng lumahok, nakiisa at sumuporta sa aming paglaban,” sabay-sabing bukas sa grupo ang naging pagtutok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanilang hinaing.

Sa kabila nito ay ipagpapatuloy ng grupo ang pagmonitor sa implementasyon ng mga naging pangako ng mga ahensya.

Iginiit din nito ang paglaban nila sa umano’y korapsyon sa transport offices.

“Sa hanay ng matatapang na Manibela, patuloy tayong lumalaban laban sa kurapsyon at katiwalian,” pagtatapos ng pahayag ng grupo. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here