MANILA, Philippines – Magandang balita ang hatid ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau sa mga motorista dahil asahan na ang bawas presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa nasabing departamento, batay sa apat na araw na kalakalan sa Mean of Platts Singapore, tinatantiya na may bawas sa kada litro ang mga produktong petrolyo ang ipayutupad ng mga kompanya ng langis sa bansa na P0.30 sa kada litro ng gasolina, P0.60 sa kada litro ng diesel at P0.65 sa kada litro ng kerosene.
Ang mga pagtatantya na ito ay hindi kasama ang operating cost ng mga kumpanya ng langis at iba pang mga premium ayon sa DOE.
Anila, ang posibleng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod ng pagluwag ng presyo ng langis habang ibinalik ng mga investor ang focus sa usaping pangkapayapaan ng Russia-Ukraine.
Napag alaman pa na ang inaasahang rollback sa mga presyo ng mga produktong petrolyo ay dahil din sa pagbaba ng presyo ng langis ng 2% noong Lunes pagkatapos na ibalik ng Iraq ang produksyon sa isa sa mga oilfield nito, na bumubuo ng 0.5% ng suplay ng langis sa mundo.
Ang mga kumpanya ng langis ay nag-aanunsyo ng opisyal na oil price adjustment tuwing Lunes, na ipatutupad sa susunod na araw. JAY Reyes