MANILA, Philippines – Nasawi ang isang lalaki matapos sumabog ang gulong ng truck na nilalagyan nito ng hangin.
Ayon sa pulisya, kinilala ang biktima na si Jonnifer Orquia, helper at residente ng Sitio Sac-Sac, Barangay Dakit, Sogod, Cebu na nag-aayos ng gulong ng isang ten-wheeler truck bandang alas-6 ng gabi ng Huwebes, Disyembre 11 nang mangyari ang insidente.
Habang pinahahanginan ni Orquia ang gulong ay bigla na lamang itong sumabog at tinamaan siya sa ulo dahilan ng agarang pagkasawi nito.
Inabutan ng mga rumesponde ang biktima na duguan at nakahandusay sa sahig.
Dinala si Orquia sa Sogod District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nitong Biyernes, Disyembre 12, inabisuhan ng pulisya ang pamilya ng biktima na isailalim sa autopsy ang biktima upang malaman kung mayroon bang foul play.
Nagsasagawa naman ng follow-up investigation ang Sogod Municipal Police Station kaugnay ng insidente. RNT/JGC