MANILA, Philippines – HINDI pinatawad ng hindi nakikilalang kawatan ang opisina ng isang simbahan matapos itong looban at tangayin ang mahahalagang kagamitan at cash nitong Huwebes, Disyembre 11 sa San Vicente Parish, Barangay Real sa lungsod ng Calamba, Laguna.
Ayon sa witness, dakong alas-8:10 ng umaga kung saan binuksan nito ang pinto ng nasabing tanggapan nang biglang tumambad umano sa kanila ang nakabukas na drawers.
Napag-alaman nang kanila itong inspeksyunin ay nadiskubreng nawawala na ang daily income petty cash na revolving fund ng nasabing simbahan, mga donasyon at laptop ng parokya.
Nabatid sa ulat nang kanilang panoorin sa CCTV na ala-1 ng madaling araw ay nakita ang suspek na gumagapang at nagawa pang tanggalin ang bintanang salamin patungo sa opisina ng San Vicente Parish Church.
Ang suspek ay mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Atoms St. Sitio Marangal, Barangay Real Calamba City, tangay ang mga mahalagang kagamitan, laptop at cash. Ellen Apostol