MANILA, Philippines – Ikinababahala ng TNVS Community Philippines (TNVSCP) ang Memorandum Circular ng LTFRB na nagbababa sa surge pricing cap ngayong holiday season.
Ang surge pricing o dynamic pricing ay bahagi ng itinakdang regulatory guidelines para sa pamasahe ng TNVS, dahil nakabatay ito sa realidad ng ride-hailing kung saan pabago-bago ang demand, kondisyon ng trapiko, pick-up distance at operating costs sa iba’t ibang oras.
“Ang biglaang pagbawas nito, lalo na ngayong holidays, ay direktang tatama sa kita naming mga nasa kalsada, sa gitna ng matinding traffic at mataas na presyo ng gas,” pahayag ng TNVSCP.
Ang surge fees ang isa sa mga mekanismong tumutulong panatilihing patas ang kita kapag mas mahirap at mas matagal ang biyahe.
Kapag binawasan ito sa panahon ng peak demand, mas maraming driver ang mapipilitang mag-offine sa high-demand hours dahil hindi na sulit ang oras, pagod, at gastos. Sa huli, mas mahihirapan ding makakuha ng masasakyan ang mga commuter.
Anila, “Nakipagpulong ang LTFRB sa aming community patungkol dito at may nabanggit na may “compensatory adjustments” kabilang ang potensyal na dagdag sa pick-up fares. Nagtatanong lang kami: nasaan na po iyon?”
Ang pagiging patas ay hindi lang dapat para sa commuter. Dapat patas din para sa drivers na araw-araw lumalaban sa kalsada.
Handa kaming makipag-usap at makipagtulungan, pero sana ang anomang mga pagbabago sa pamasahe ay dumaan sa malinaw na konsultasyon at magbunga ng patas na solusyon para sa lahat. RNT