Home HOME BANNER STORY PAGASA: Pag-ulan mararanasan sa maraming lugar sa bansa

PAGASA: Pag-ulan mararanasan sa maraming lugar sa bansa

325
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng PAGASA nitong Linggo na maraming bahagi ng bansa ang makararanas ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat at pagkulog.

Ayon sa 4:00 a.m. advisory, ang shear line na nakaaapekto sa Southern Luzon kasama ang northeast monsoon (amihan) ang magdudulot ng ganitong lagay ng panahon sa Luzon, Visayas, Mindanao, at Palawan.

Sa Bicol Region, Quezon, Laguna, Batangas, at mga karatig-lugar, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at isolated thunderstorms dahil sa shear line. Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ito ng katamtaman hanggang malakas na ulan, na posibleng magresulta sa flash flood at landslide, lalo na sa mababang lugar at kabundukan.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng CALABARZON ay makararanas ng maulap na panahon na may mahihinang pag-ulan dahil sa amihan, ngunit wala umanong inaasahang malaking epekto sa ngayon.

Sa silangang bahagi ng Northern Luzon at mga kalapit na lugar, posible ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan.

Samantala, ang Visayas, Mindanao, at Palawan ay magkakaroon din ng bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may isolated rainshowers o thunderstorms dulot ng easterlies. Nagbabala ang PAGASA na ang malalakas na thunderstorm ay maaaring magdulot ng biglaang malakas na ulan, pagbaha, at landslide sa mga delikadong lugar.

Iba-iba rin ang lakas ng hangin at kundisyon ng dagat sa bawat rehiyon. Sa hilaga at kanlurang bahagi ng Northern Luzon, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na amihan at katamtaman hanggang maalon na dagat. Ang natitirang bahagi ng Luzon at silangang Visayas ay magkakaroon ng katamtamang hangin at dagat, habang ang ibang lugar sa bansa ay makakaranas ng mahina hanggang katamtamang hangin at bahagyang hanggang katamtamang alon.

Sa Quezon City PAGASA Weather Station, naitala ang pinakamataas na temperatura na 30.1°C at pinakamababa na 23.2°C sa nakalipas na 24 oras, na may humidity na 63 hanggang 94 porsiyento. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here